Nagpapatuloy ang mainit at maalinsangang panahon sa Italya. Bukas, June 28, 2022 labindalawang (12) lungsod sa bansa ang nasa ilalim ng red alert o maximum warning na inisyu ng Ministry of Health na maglalagay sa panganib sa kalusugan ng populasyon at ng mga mahihina, tulad ng matatanda, mga bata at mga maysakit.
Sa katunayan, sa Miyerkules ay aakyat sa labingsiyam (19) na lungsod ang nasa maximum alert, ayon sa updated heat warning ng ahensya.
Bukas, Martes, June 28, red alert ang Cagliari, Campobasso, Civitavecchia, Firenze, Frosinone, Latina, Napoli, Palermo, Perugia, Reggio Calabria, Rieti at Roma. Sa Miyerkules naman ay idadagdag sa listahan ang Ancona, Bari, Bologna, Catania, Messina, Pescara at Viterbo.
Bukas sa Roma ay inaasahang papalo sa 40° ang tempertaura hanggang sa kapistahan ng mga santong St. Peter and St. Paul. Kasama ang Naples, na ngayong araw ay oarange alert samantalang red alert naman bukas hanggang sa Miyerkules.
Pinakamainit na buwan ng Hunyo sa huling 65 taon
Noong June 16 ay naitala ang pinakamainit na araw at nalampasan pa ang init na naranasan noong 2003 (27°C). At hindi huminto ang mainit at maalinsangang panahon. Ito ay nangangahulugan na itong buwan ng Hunyo ang pinakamainit na Hunyo sa huling 65 taon (kung kailan naitatala ang 28.1°C). (PGA)