Bukod sa multa, matapos ang ilang paglabag sa Highway code sa Italya, ay nababawasan din ang points sa driver’s license. “Paano ko malalaman ang aking points sa aking driver’s license?” Narito kung paano.
Una sa lahat, ipinapaalala na sa pagdating ng abiso ng multa at points demerit, ay may kasama itong modulo na dapat sagutan upang gawin ang deklarasyon kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan sa oras ng paglabag. Ang may-ari ng sasakyan ay kailangang ideklara kung sino ang nagmamaneho ng sasakyan na lumabag sa Highway code.
Kung hindi maipapadala ang deklarasyon sa loob ng 60 araw pagkatapos matanggap ang unang abiso, ay makakatanggap sa susunod na tatlong buwan ang ikalawang mas mabigat na multa, mula € 292 hanggang sa maximum na €1,168, kung saan idadagdag ang mga gastos sa notification.
Ang sinumang mag-verify na wala nang sapat na points sa kanilang lisensya ay may opsyon na hindi ideklara ang taong nagmamaneho ng sasakyan: sa kasong ito, ay maaaring bayaran ang multa sa ibang pagkakataon, ngunit ang kanilang “points balance” ay hindi mababawasan.
Alamin ang puntos sa driver’s license online
Gamit ang SPID o CIE (electronic identity card), ay ang pinakasimpleng paraan para malaman kung gaano karaming puntos ang mayroon sa lisensya.
Sapat na ang mag-log in sa website ng Portale dell’Automobilista o i-download ang iPatente mobile app (available sa Android, Apple at Huawei), kung saan maaaring makita ang iba pang datos, ang petsa ng expiration ng lisensya at ang insurance coverage ng kotse at motor. Ang serbisyo ay libre.
Tulad ng nabanggit, sa access ay kailangan ang credentials ng Public Digital Identity System (Spid) o ng electronic identity card, at hindi maaaring mag-register sa iba pang paraan. May pagkakataong kailangang i-update ang mga personal info sa sariling profile. Sa Menu “Accesso ai Servizi”, “Verifica Punti Patente”, ay maaari ring makita ang ‘estratto conto’ o ang i-download ang certificate ng mga puntos.
Walang SPID?
Kung walang SPID o CIE ay hindi posibleng makita ang mga points online, ngunit may ibang paraan upang malaman ang sariling sitwasyon. Ito ay sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, landline o mobile. Ang tel number ay 06 45775962, aktibo 24 oras araw-araw.
Answering machine ang sasagot. Kailangang sundin ang voice guide sa pamamagitan ng date of birth at driver’s license number. Pagkatapos ang answering machine ay ibibigay ang puntos.