Ngayong araw, April 27, ay ipinagdiriwang ang feast day ni Saint Zita.
Si Saint Zita, kilala rin bilang Saint Sitha o Citha, ay isang italian saint at siya ay ang patron ng mga kasambahay o colf sa kasalukuyan. Siya ang madalas na hinihingan ng tulong sa paghahanap ng mga nawawalang susi.
Si Zita ay ipinanganak noong 1218 sa isang lugar hindi kalayuan sa Lucca Toscana. Siya ay nagmula sa isang pamilyang may malinis at mababang kalooban.
Si Zita ay namasukan bilang kasambahay sa murang edad na labindalawang taong gulang at nagsilbi sa parehong pamilya sa halos limampung taon. Sa pamamagitan ng kanyang kasipagan at katapatan, siya ay naging isang mahalaga at mapagkakatiwalaang lingkod.
Ginugol ni Zita ang kanyang panahon sa paggawa ng mga ordinaryo at mga simpleng bagay na kahanga-hanga ang naging bunga. Nakilala rin si Zita sa kanyang kabaitan at pagiging bukas-palad sa mga mahihirap.
Siya ay namatay sa edad na 60 taong gulang at pinarangalan ng pamilyang kanyang pinaglingkuran. Matapos maiugnay ang 150 himala sa kanyang pamamagitan ay kinilala ito ng simbahan at siya ay opisyal itinalagang santa noong 1696.
Hinukay ang kanyang puntod noong 1580 at natagpuang hindi naagnas ang kanyang katawan. Ang katawan ni Saint Zita ay kasalukuyang naka-display para sa pubic veneration sa Basilica di San Frediano sa Lucca.