Pasok sa final four ng UISP Lombardia Lega Amatori Fase Gold, ang I’m a Baller Milan, ang grupong Pinoy na may puso ng tigre.
Sa papalapit na pagtatapos ng UISP Lombardia Basketball League, isa sa pinakaaabangan ng Filipino Community sa Milan ang I’m a Baller Milan Tigers. Isang Pinoy Basketball Academy sa Milan na binubuo ng mga Pinoy coaches at ballers. Sila ang nag-iisang purong Pinoy na Basketball Club na nakapasok sa Final Four ng isa sa pinakamalaking Amateur Basketball League sa Italya.
Nitong nakaraang Sabado, tuluyan ngang napabilang sa wakas ang I’m a Baller Milan sa Final Four matapos talunin ang Parabiago Basketball sa score na 75-62 sa Game 2 ng kanilang Best of Three Series.
Ito ang pangalawang panalo ng mga Tigre na nagbigay daan para makuha nila ang isang puwesto sa Final Four.
Nauunawaan ng mga coaches at players na ang oportunidad na ito ay higit pa sa pagiging Im a Baller. Para sa kanilang grupo, ang bawat laro at bawat panalo ay pagkakataon upang ipakita ang galing at husay ng mga Pinoy sa larangan ng basketball. Lubos nilang pinasasalamatan ang ating mga kababayan na nag-aalay ng kanilang oras upang suportahan at samahan sila sa bawat laro, maging ito man ay home court o away games.
Ito ay patunay na saan mang panig ng mundo, ang larong basketball ay isang linggwahe na pinagsasamahan ng mga Pilipino upang ipagmalaki ang kanilang pagka-Pilipino.
Sa darating na ika-27 ng Mayo, sa oras na ala-sais ng hapon, muli ay kumakatok ang Im a Baller Milan para sa suporta ng Filipino Community sa Milan upang samahan sila sa Final Four ng UISP Lombardia na magaganap sa Bayan ng Origgio sa Probinsya ng Varese. Isang pagkakataon na naman ito upang ipakita sa iba’t ibang lahi na tayo ay mga Pilipino na may dangal, na handang ipagmalaki ang ating pagka-Pilipino saan mang lugar.
Tara na, sama-sama nating ipakita na “Tayo ay Filipino!” Itaas ang noo at ipagdiwang ang ating pagka-Pilipino!