Hindi na mapigilan ang pagkakaroon ng pangalan ng Hermes Crew sa mundo ng Hip Hop sa Italya.
Ang grupo ng 19 na kabataang Pilipino, ang Hermes, sa katunayan, ay ang pinagsamang dalawang grupo, ang Hermanos at Femmes, na itinatag noong 2017 at 2018, at parehong nanguna sa ginanap na “Danziklaban”, isang tanyag na Filipino dance competition sa Roma.
Nagpasya sina Jefferson Creus at Allen Gunda, ang founders at choreographers ng Hermes, na pagsamahin ang dalawang grupo noong 2019 na layuning maging kinatawan ng Filipino youth community sa mundo ng Hip Hop. At ang taong 2019 ang naging simula ng tagumpay ng nasabing grupo.
Sumabak ang Hermes sa unang pagkakataon noong 2022 sa kilalang all-Italian dance competition, ang “Ready 2 Rumble” at nasungkit ang second place. Sumunod ay sa kompetisyong “Gimme Some More” at nag-uwi naman ng ikatlong puwesto. Pagkatapos ay dumayo na ang grupo sa labas ng Eternal city, at nagpakita ng galing sa ginanap na “Hip Hop Festival” sa Abruzzo, sa Crew Large Division category.
Dahil dito, hindi na mapigilan ang Hermes sa paggawa ng pangalan sa italian dance world, sa puntong mapanalunan sa international competition na “World of Dance Italy” ang pagkakataong magtanghal sa “MOB Event Showcase” sa Puzzuoli Napoli, ang pinakamahalagang dance event sa Italy na nagtatampok ng mga pinakasikat na mananayaw sa buong mundo.
Bukod dito, noong nakaraang taon din, buwan ng Oktubre ng inimbitahan ang Hermes para sa Opening Act ng “Royal Family Crew European Tour” sa Roma, isa sa pinakasikat na grupo sa buong mundo na nakasamang nagtanghal on stage ang mga international artists tulad ni Rihanna.
At ngayong taon, 2023, ay muling sumali ang grupo sa “Ready 2 Rumble” competition kung saan nasungkit ang first place.
Iniuwi din ng grupo ang isang special award na Crowd Favorite sa 2023 World of Dance Italy.
Higit sa lahat, nagsimula na ding lumabas ng Italya ang grupo sa unang pagkakataon at nakipagkumpitensya na rin sa Spain sa ginanap na “Urban Dance Competition”nitong nakaraang Mayo, kung saan pumasok sa top 10.
“Bilang choreographer, ako ay masaya at proud na proud sa lahat ng narating namin, and umaasa ako na malayo pa ang mararating ng grupo”, ayon kay Allen.
Pagkatapos ng ilang guesting sa mga Italian events, ang mga choreographers na sina Allen at Jeff ay inanyayahan na lumahok sa “Choreo Frame Showcase“, isang okasyong nagtatanghal ng mga talented choreographers mula sa Italian contemporary scene. Sa nasabing okasyon ay hinangaan on stage ang Hermes kasama ang Phil US, isang grupo naman ng mga emerging filipino hiphop instructors sa Italya.
Ang tagumpay na nakamit ng buong grupo ng Hermes at ng mga kabataang bahagi nito ay hindi pinalampas at kinilala sa katatapos lamang na pagdiriwang na ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Roma. Kasama ang ilan pang mga kabataan, ay tinanggap ng Hermes ang “Parangal para sa natatanging Kabataang Pilipino 2023 Certificate of Recognition”, mula sa PIDA (Philippine Independence Day Association) at KOR (Knights of Rizal, Rome Chapter).
“Salamat sa kanilang pagtitiwala sa kakayahan namin. Kami ay magsusumikap na ituro sa mga kabataang bahagi ng grupo hindi lamang ang tungkol sa pagsasayaw kundi pati sa buhay. Pipilitin naming iparamdam sa kanila ang mga pinakamagagandang experience sa mundo ng pagsasayaw”, ayon kay Allen.
Sa patuloy na suporta nina Eleonora Cipriano, ang direttrice ng Elle Dance Studio at Andrea Alemanno, ng mga magulang, sponsors at followers, sa kasalukuyan ay puspusan ang paghahanda ng buong grupo para sa tagumpay ng gaganaping Final Recital “The Show” sa July 7, sa teatro Italia kung saan muling magpapakita ng natatanging husay at kahanga-hangang talento, kasama ang grupong Hermes Project, ang junior group ng Hermes, at mga Italian dancers.
“HERMES, we will enjoy and improve together”, pagtatapos ni Allen. (PGA at Aby Magsino)