Isang Pinay na ipinanganak sa Napoli ang apat na taong sunud-sunod na Regional Champion sa Artistic Gymnastics. Siya si Jhodelle Mallari Chavez, kilala sa tawag na Jody, 11 anyos, ang unica hija nina Rodel at Jonalyn Chavez.
Bukod sa kanyang mga magulang, si Jody ay ipinagmamalaki rin ng CAG (Centro Addestramento Ginnastica) Napoli o Napoli Gymnastics Training Center, kung saan nagsimula sa edad na limang taong gulang. Sa edad na 8 taong gulang ay natanggap ni Jody ang unang titolo bilang Regional Champion A1. Ito ay nagpatuloy hanggang kilalaning Regional Champion A2 at A3 levels. At kasalukuyang Campionessa Regionale 2024 para sa A4 level.
Ang trainor nya mismong si Monica Degli Uberti, ang President ng CAG Napoli ang naka-discover kay Jody.
“Habang sakay po kami sa metro station sinundan po kami ni Signora Monica at nilapitan nya po kami interested daw sya kay Jody dahil nakita daw nya na fit ang katawan ni Jody for gymnastics”, kwento ni Mama Jonalyn sa Ako ay Pilipino.
Ani ni Mama Jonalyn, may alinlangan sya sa mga oras na iyon ngunit minabuti niya ang mag-ocular visit muna sa gym. Hanggang sa nag-offer kay Jody ng free training ang CAG Napoli.
Noong una ay 1 hour at twice a week lang ang training ni Jody. Hanggng sa naging full time atlete na si Jody at ang work out nya ay 25-30 hours. Kaya after school ay diretso na sya sa kanyang training.
Malaki ang naitulong ng pagiging gymnast nya sa kanyang paglaki. Naging mas responsable siya sa time management. Napagsasabay nya ang pag-aaral at sports. Natutunan nya ding i-organize ang lahat ng ginagawa nya.
“Ang kanyang deteminasyon at passion sa gymnastic ang nagpapatuloy din sa amin bilang magulang para supportahan siya”.
Kamakailan nga ay ginanap ang Campionato Italiano per Allieve Gold under FGI sa Riccione Italy. Pagkakataong hindi palalampasin ng isang Regional Champion sa kabila nang maigsing panahong preparasyon dahil sa tinamong injury sa training dalawang buwan bago ang competition. Samakatwid, light training ang naging preparasyon ni Jody.
Tulad ng inaasahan, pasok si Jody sa Finals kung saan nakatunggali niya ang lahat ng mga pinaka-magagaling na gymnast sa buong Italy.
“Malaking karangalan na po para sa aming mga magulang ang makasama sya sa Finals”, ayon sa mga magulang ni Jody.
Pang 27 sa ranking Jody sa loob ng 40 gymnast sa kanyang category. Resulta na hindi nila inaasahan na nagbigay satispaction kay Jody, sa kanyang magulang at sa CAG Napoli.
“Bilang magulang super proud po kami at laging dasal po namin ang kaligtasan nya sa bawat laban nya. Dito po sa Napoli madami ang sumusuporta kay Jody at malaki ang aming pasasalamat sa kanilang lahat! Ini-encourage ko din po ang ilang magulang na i-involve ang kanilang mga anak sa sports para makaiwas sa bisyo at barkada. At bilang Pilipino nakakatuwa na nakikita na din ang talento ng ating second at third generation”.
“CAMPIONATO REGIONALE GOLD ecco Jody la nostra campionessa”.
“La nostra bellissima Jody vola in finale ai Campionati italiani gold, il nostro orgoglio!!!!”
“La nostra Jody si conferma tra le migliori ginnaste Gold della sua categoria in Italia!”. Ito ang sunud-sunod na posts ng CAG Napoli sa official fan page nito. Patunay lamang ng pagmamalaki nito sa kakayahan, talento at husay ng ating nag-iisang Jody!
Sa July ay muling sasabak si Jody para sa Criterium!