in

Pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, Idinaos sa Rehiyon ng Emilia Romagna

Taon-taon ay naging kaabang-abang na ang pagdiriwang ng proklamasyon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Dito sa Italya, ang buong buwan ng Hunyo ay nakalaan na sa selebrasyon nito. Sa bawat probinsiya, siyudad o rehiyon kung saan may mga komunidad ng mga Pilipino, organisasyon at pederasyon, ay nagkakaroon ng programa na naglalaman ng mga espesyal na presentasyon gaya ng mga katutubong sayaw, awitan at mga pagpapahayag ng mga mensahe ng mga naiimbitang panauhin mula sa Konsulato, sa Embahada o sa sumasakop na Komune.

Sa rehiyon ng Emilia Romagna, pinakahihintay ang programang inihahanda ng host. Ang ERAFILCOM o Emilia Romagna Alliance of Filipino Communities, ay ang pederasyon ng mga pangunahing asosasyon mula sa mga siyudad o probinsiya na sakop ng rehiyong ito. Nakapagdaos na ng programa sa Reggio Emilia (2018), sinundan ng Ravenna-Forli-Rimini (2019), Modena (2022) , Ferrara (2023) at ngayong taong 2024 ay ginanap nga sa Bologna.

Ang FEDFAB (Federation of Filipino Associations in Bologna) at ang FWL (Filipino Women’s League) ang naging host sa taong ito. Ang programa ay ginanap nitong ika-23 ng Hunyo, 2024, sa Polisportiva Pontelungo sa Via Agucchi 121/18.

Naging panauhing tagapagsalita si CONSUL KRISTINE LAGUROS ng Konsulato Heneral ng Pilipinas sa Milan. Dumating din at bumati sina PROF. GIANPRIMO QUAGLIANO, ang nominado para sa posisyon na Honorary Consu, si RITA MONTICELLI, ang Consigliera Comunale na nagrepresenta kay SINDACO MATTEO LEPORE, RHODNEY PASION, ang pinuno ng MIGRANTE Bologna, FELICIDAD GAYO, ang presidente ng ERAFILCOM at GABRIELE PERRI, ang Consigliere di Quartiere di Borgo Panigale. Bumati rin sina ELENA GAGGIOLI, ang presidente e consiglio di Quartiere Borgo Panigale, kasama si GERARDO SOLIMINE, na isang consigliere din. Dumalaw din si On. ANDREA DE MARIA, Segretario di Presidenza.

Ang programa ay sinimulan ng isang parada ng mga opisyal at miyembrong organisasyon/pederasyon, mga grupong panrelihiyoso, grupo ng Zumba, mga isponsor at iba pang mga bisita. Nakasama din sa parada ang Mutya ng ERAFILCOM na si KYLE BLEZA at ang konsorte niyang si DAVIDE AMARO. Nagkaroon din ng ekumenikal na pagdarasal at pagbibigay ng ispiritwal na mensahe sina Rev. Father VAL PINLAC, Rev. Pastora IMEE SANCHEZ at Rev. Father RONNIE LACANIENTA. Nag-alay din ng mga bulaklak sa busto ng pambansang bayani na si Gat Jose Rizal ang Knights of Rizal, Kababaihang Rizalista at mga opisyal ng ERAFILCOM.

Nanumpa din sa katungkulan ang mga bagong halal na pamunuan ng ERAFILCOM para sa taong 2024-2027, na kinondukta ni Consul Kristine Laguros. Ang mga bagong halal ay sina: MERCEDITA DE JESUS, presidente; DENNIS ILAGAN, bise-presidente sa External; VIRGILIO CESARIO, bise-presidente sa Internal; FLORIAN ARANDELA, bise-presidente sa Sektor ng Kababaihan; FELY CADUYAC, kalihim; DAISY DEL VALLE, ingat-yaman; ELVIRA COTONIEL, tagasuri; at HENRY GAYO, tagapagbalita. Ang mga itinalaga namang opisyal para sa Secretariat ay sina MARIVIC GALVE at JOYCE MARI DEGRANO; sa Finance ay sina MARY CRIS COCJIN at MARGIE RAMIREZ; si GENE DE JESUS ang katuwang na tagasuri at si MARCELA MONDERO ang katuwang na tagapagbalita. Ang mga tagapayo ay sina DIONISIO ADARLO, AURELIO GALAMAY at FELICIDAD GAYO.

Binigyan naman ng sertipikato ng pagkilala ang grupong VISAYAS-MINDANAO OF BOLOGNA AND FRIENDS bilang natatanging organisasyon ng taon sa kanilang kontribusyon sa pagpapakilala ng kulturang Pilipino sa larangan ng pagsayaw.

Ipinakilala din ang labing-isang batang babae na kalahok sa LITTLE MISS BOLOGNA na pinamahalaan ng PGBI AZZURRA. Napili naman sina EVELYN GOMEZ AT SONNY DADUYO bilang Lakambini at Lakan ng Kulturang Pilipino dahil sa magandang kasuotang Filipiniana at Barong Tagalog, na pinanalunan noong isang taon nila IBET CABALLAR at LITO GARCIA.

Nakatanghal din sa entablado ang mga kasuotang Filipiniana na likha nila ANNIE CAPRES, VINEZ BUENAFE at DITTZ, pati ang mga obra ng mga kababaihang pintor na sina JOY ALVAREZ, RODELIA PALEJON, SUZANE BIGLETE, MARIBEL NAUNGAYAN at MADITTZ.

Ang bawat miyembro naman ng ERAFILCOM at FEDFAB, maging ang mga panauhing asosasyon at grupo ay nagsipagtanghal ng iba’t ibang sayaw-Pilipino, may choral group na naghandog ng medley songs, duweto ng mag-asawang SONNY at JANET DADUYO, solong awit ng batang si  ALEX JOHN GHINI at katutubong sayaw ng mga dalagitang sina RHAILEY  at ZARAH.  May mga inihanda ring presentasyon sana ang mga kababaihan ng FEDFAB-FWL, maging ang mga grupo ng ZUMBA, dangan at nagkaroon ng agarang pagkatigil ng programa, na inihingi ng paumanhin ng mga host.

Ang ERAFILCOM ay binubuo ng mga miyembrong organisasyon : BAHAGHARI ASD  ng Reggio Emilia, CIRCLE OF FRIENDS ng Ferrara, FEDERATION OF FILIPINO ASSOCIATIONS IN BOLOGNA – FEDFAB, FEDERAZIONE DELLE ASSOCIAZIONE FILIPPINE DI MODENA – FEDAFILMO, FILIPINO ASSOCIATION IN FERRARA , FILIPINO CHRISTIAN COMMUNITY OF BOLOGNA, FILIPINO COMMUNITY ROMAGNA CHAPTER ng Rimini, FILIPINO WOMEN’S LEAGUE ng Bologna, MABUHAY ASSOCIAZIONE ITALO-FILIPPINA IN ROMAGNA ng Ravenna, MAHARLIKA COMMUNITY FILIPPINA ng Forli-Cesena at ang bagong miyembro na FILIPINO COMMUNITY IN PARMA AND THE PROVINCES.

Ang programa ay nagtapos sa pamamagitan ng pagsasalin ng simbolikong susi mula sa Bologna Host para sa susunod na host sa taong 2025, ang Ferrara, na pamamahalaan ng Circle of Friends.

Ang mga naging guro ng palatuntunan ay sina: LYNETTE ANN BALMAYO, ERROL GARING at RAYMARK MONTIFAR. (ni: Dittz Centeno-De Jesus – Litrato: Diane Ahumada & Gene De Jesus)

Basahin din:

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 5]

Pagliban sa Trabaho dahil sa Pagkakasakit, ang Obligasyon ng mga Workers sa Italya

Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, Ipinagdiwang din sa pamamagitan ng Sports sa South Italy