in

Decreto Flussi, baguhin! Click Day, tanggalin!

Ipinagpalibang talakayin sa nakaraang Konseho ng mga Ministro ang mga pagbabago sa sistema ng Decreto Flussi na isinulong ng mga pangunahing labor union sa bansa tulad ng Cgil, Cisl, Uil at ilang mga samahan ng mga employer tulad ng Coldiretti at Fidaldo (federasyon ng mga domestic employers).

Ito ay matapos magkaroon ng pagtitipon sa Palazzo Chigi kamakailan ang mga labor union, kinatawan ng mga businesses, at mga organizations mula sa third sector kung saan nagsulong ng mga pagbabago sa decreto flussi. Anila, hindi na epektibo ang kasalukuyang sistema at kailangan itong baguhin. Gayunpaman, nananatiling magkaiba ang mga opinyon pagdating sa mga solusyong dapat ipatupad.

Click Day, dapat tanggalin!

Pinakakritikal na punto ng Decreto Flussi ay ang kontrobersyal na Click Day, o ang sistema ng pabilisan online o first come first served system, na nagtatakda kung sino ang papalarin makapasok sa quota.
Para sa mga pangunahing labor unions sa bansa, ito ay kailangan ng tanggalin. Anila, hindi na ito tumutugon sa pangangailangan ng merkado. Para sa mga unyon, ang mekanismong ito ay dapat palitan ng isang mas epektibong sistema na magbibigay-daan sa patuloy na pagpasok ng mga manggagawa sa buong taon, na mas mabilis na makatutugon sa mga pangangailangan.
Gayunpaman, ang ANCE, ang National Construction Association ay nananatiling pabor na panatilihin ang Click Day, ngunit dapat umanong ipatupad ito sa bawat sektor. Hinihiling din ng nasabing organisasyon ang pagpapadali sa proseso, lalo na para sa mga manggagawang napili at sumailalim na sa training sa kanilang mga country of origin.
Nagmungkahi naman ng Click Day para sa bawat sektor si Alfredo Mantovano, undersecretary ng Council of Ministers. Aniya ito ay magbibigay-daan sa pagtatalaga ng quota o bilang ng mga papasok na manggagawa base sa mga partikular na pangangailangan ng bawat sektor.

Gayunpaman, may malalaking pagkakaiba sa mga mungkahi ng mga labor unions at ng business sector. Ang Cgil at Uil, partikular, ay nananawagan ng radikal na reporma sa Bossi-Fini, na itinuturing nilang hindi na epektibo. Hiniling din nila ang pagbibigay ng Sanatoria para maging legal ang mga undocumented sa Italya.  Bagay na tila mahirap tanggapin ng kasalukuyang gobyerno, at tila mas panig sa mungkahi ng Coldiretti na gawing mas simple ang conversion ng mga seasonal workers sa pagkakaroon ng contratto a termpo determinato o indeterminato, nang hindi maghihintay pa ng Decreto flussi.

Aplikasyon ng Decreto Flussi

Bukod sa Click Day, isinasaalang-alang naman ng gobyerno, ang isang sistema na nagpapahintulot sa mga employer na mas maagang makapag-submit ng kanilang mga aplikasyon. Ang bagong pamamaraan na ito, na mayroong pre-verification upang matiyak ang bilang ng mga aktuwal na manggagawa at bilang ng mga kailangang manggagagawa, upang mapigilan ang posibleng katiwalian na ginagamit ng mga fake employers.

Contratto di Soggiorno

Isa sa mga posibleng pagbabago ay para sa mga employer na hindi nakapirma ng contratto di soggiorno sa nakaraang tatlong taon. Sa mga ganitong kaso, ay hindi tatanggapin ang susunod na aplikasyon mula sa mga emploeyrs na nabanggit.
Bukod dito, muling binigyang-diin ang obligasyon para sa mga employer at dayuhang manggagawa na pirmahan ang contratto di soggiorno sa loob ng walong araw mula sa pagdating sa Italya. Layunin nito na tiyakin ang transparency at labanan ang anumang uri ng exploitation.

Paghihigpit sa mga NGOs at mga Repatriation Center

Hindi mawawala ang layuning pigilan ang iligal na pagpasok ng mga dayuhan sa bansa. Isang paksa na laging nasa gitna ng debate sa pulitika. Sentro ang mga NGO na nag-o-operate sa Mediterranean. Ang mga eroplano na ginagamit para sa mga operasyon ng paghahanap at pagsagip ay bibigyan ng obligasyong magbigay ng agarang report sa mga kaukulang awtoridad. Isang dagdag na pasanin sa proseso na maaaring magpabagal sa mga operasyon ng pagsagip. Kasabay nito, palalakasin ang mga paghihigpit sa mga Repatriation Centers.

Samakatwid, ang decreto flussi ay tiyak na nangangailangan ng agarang reporma na tutugma sa pangangailangan ng business sectors at ng mga workers mismo, kasabay ang kanilang security at transparency sa proseso nito.

Sa kasalukuyan, hinihintay ang konkretong aksyon ng gobyerno, ang pag-aralan at suriing mabuti at magpatupad ng mga bagong alituntunin na magbabago sa isang sistemang may malawak na epekto sa bansa.

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 4]

BASKETBALLERS nasa Season 3 League na!

Ora Solare, nalalapit na!