Ipatutupad ang No Smoking Area maging sa outdoors ng mga pampublikong lugar sa Milano sa pagpasok ng Bagong Taon. Sa katunayan, simula January 1 ang pagbabawal ng paninigarilyo ay saklaw din ang mga kalsada ng lungsod. Papayagan lamang ito kung may layong hindi bababa sa 10 metro mula sa ibang tao. Ang sinumang lalabag ay mumultahan mula €40 hanggang €240.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng Piano Aria Clima ng Milan, na naglalayong bawasan ng kalahati ang emisyon ng CO2 pagsapit ng 2050. Ito na ang pangalawang hakbang sa kampanya laban sa paninigarilyo sa lungsod: noong 2021, ipinagbawal ang paninigarilyo sa mga fermate o stops ng mga pampublikong sasakyan, mga parke (maliban kung may layong hindi bababa sa 10 metro mula sa iba), mga sports facilities (kasama ang San Siro Stadium), mga play grounds, recreational o sports spaces para sa mga bata, mga sementeryo, at mga lugar para sa mga aso.
Ang Multa
Ang sinumang lalabag sa bagong pagbabawal sa paninigarilyo sa outdoor spaces ay maaaring pagmultahin mula €40 hanggang €240 simula 2025. Ayon sa ulat ng Il Giorno, hindi na kailangang maglabas pa ng karagdagang administrative orders dahil naaprubahan na ang Piano Aria Clima.
Nakasaad sa “Regulation for Air Quality” na:
“Simula January 1, 2025, ang smoking ban ay palalawakin sa lahat ng pampublikong lugar, kabilang ang mga kalsada, maliban sa mga lugar na isolated o kung saan maaaring masunod ang distansya na hindi bababa sa 10 metro mula sa ibang tao.”
Gayunpaman, hindi malinaw kung saklaw ng bagong pagbabawal ang mga dehors o outdoor seating areas. Kung ang mga dehors ay ituturing na private space, maaaring pahitulutan ang paninigarilyo sa labas ng mga restaurants at bar. Subalit kung ang mga ito ay ituturing na pampublikong lugar, sakop pa rin ito ng pagbabawal.
Samantala, hindi naman kasama sa ban ang mga e-cigarettes at iba pang produkto tulad ng heated tobacco. Hindi nabanggit ang mga ito, sa regulasyon noong 2021. Gayunpaman, paniniwalaang magkakaroon ng hiwalay na measure upang linawin ang mga rugulasyon sa gamit ng mga ito at kung saan ito papayagan.