Iginawad kamakailan ang Energie per Roma 2025 sa 56 Awardees sa Office of the European Parliament & Office of the Representative of European Commission sa Roma. Tampok ngayong taon si Milagros Ragodon Nabur, tanging Pilipino na nakatanggap ng parangal para sa kanyang dedikasyon at pagsusumikap sa larangan ng Social and Volunteer Work.
Si Milagros Ragodon Nabur ay kinilala para sa kanyang natatanging kontribusyon sa pagpapalaganap ng pantay na karapatan ng mga kabataan sa pagtanggap ng wastong edukasyon, pagsusulong sa halaga ng edukasyon at labanan ang hindi pagtatapos sa obligatory school dahil sa language at cultural barrier ng mga dumating na mag-aaral sa Italya. Sa kanyang walang sawang dedikasyon sa pagtulong sa mga nangangailangang mag-aaral at pamilya nito, nagpakita siya ng halimbawa ng tunay na diwa ng bolunterismo at malasakit sa kapwa.
Sa panahon ng seremonya, pinuri si Nabur bilang isang huwarang lider na patuloy na nagtataguyod ng pagmamalasakit sa komunidad. Ang kanyang mga programa at inisyatiba ay hindi lamang nagbigay ng direktang suporta sa mga nangangailangang kabataan kundi nagbigay din ng inspirasyon sa iba pang mga volunteer teachers na nagbibigay din nang walang inaasahang kapalit para sa ikabubuti ng mga kabataan at ng kani-kanilang pamilya.
Sa panayam ng Akoaypilipino.eu, sinabi ni Nabur na “Isang malaking karangalan para sa akin ang makatanggap ng ganitong parangal. Ito ay hindi lamang para sa akin, unang-una ay para sa Diyos, at para sa lahat ng mga volunteers na walang sawang nagtatrabaho para sa kabutihan ng nakararami. Sana’y patuloy nating pagtibayin ang diwa ng pagtutulungan at pagmamalasakit sa isa’t isa”.
Ang kanyang tagumpay ay nagbigay-daan sa mas malawak na pagkilala sa mga kontribusyon ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan sa Italya, lalo na sa Roma. Si Nabur ay nag-iwan ng mensahe ng inspirasyon para sa mga kababayan at sa lahat ng naroroon, na nagsasabing ang bawat maliit na aksyon para sa kabutihan ay may kakayahang magdala ng malaking pagbabago.
Ang Energie per Roma 2025 ay hindi lamang isang parangal, kundi isang inisyatiba na naglalayong magbigay-inspirasyon sa lahat ng mamamayan na abutin ang kanilang mga pangarap at maging instrumento para sa higit na ikabubuti ng komunidad. Isang kaganapan na naglalayong palaganapin ang isang lungsod na mas nagkakaisa at mas nagtutulungan.
Layunin ng ikalawang edisyon na kilalanin at pahalagahan ang pagsisikap at talento ng mga indibidwal, entrepreneurs, at mga samahan sa third sector na nagpapakita ng husay sa larangan ng sining at kultura, negosyo, at bolunterismo.
Sinala ang 56 awardees mula sa 1,300 nominees ng mga judges na binubuo ng mga eksperto mula sa iba’t ibang larangan.
Dumalo sa Awarding Ceremony sina Senator Mariolina Castellone at Honorable Dario Tamburrano, member of the European Parliament, na parehong binigyang-diin ang kahalagahan ng mga taong tahimik na naglilingkod ‘behind the scene’ upang maging mas inclusive ang Roma. Ang Energie per Roma ay itinatag nina Fabio Pompei at Alessandro Alongi, parehong journalists at university professors.
Si Milagros Ragodon Nabur ay ang founder ng International Migrants School sa Roma. Ito ay isang independent school na nagbibigay ng preparatory education para sa College at University Course Program (k-12). Ito ay patuloy na nagsisilbi sa mga Pilipino sa Italya at gayundin sa mga multinational communities sa Roma, na nagnanais ng international education na may dalawang kurikulum na ipinatutupad.