in

“Come la Notte” sa Berlin Film Festival 2025, Tampok ang mga Overseas Filipinos mula sa Roma

Hinangaan sa Berlin Film Festival 2025 ang pelikulang “Come la Notte” o “Where the Night Stands Still” na tampok ang mga Overseas Filipinos mula sa Roma. Sila ay sina Benjamine Barcellano, Jenny Caringal, Tess Magallanes at Liryc Paolo Dela Cruz, ang director.

Ang kuwento ay umiikot sa tatlong magkakapatid na Pilipino, sina Lilia, Manny at Rosa. Lahat sila ay mga domestic worker sa Italya, na muling nagkita-kita sa isang villa na minana ni Lilia mula sa kanyang employer na namatay na walang tagapagmana. Ang kanilang muling pagkikita ay nagbalik sa mga luma at nakaraang alaala na sumubok sa kanilang relasyon bilang pamilya.

Ipinapakita ng pelikula ang mahahalagang tema tulad ng pagkakakilanlan, paglisan, at ang drama ng migrasyon. Makikita rin sa pelikula ang mga hamon na kinakaharap ng mga migranteng Pilipino sa Italya at ang kanilang pakikibaka sa mga hamon ng nakaraan at kasalukuyan.

Ang “Come la notte” ay bahagi ng seksyong Perspectives sa ika-75 na Berlin International Film Festival.

Sino di Director Liryc Dela Cruz?

Si Liryc Dela Cruz ay isang Filipino filmmaker at artista mula sa South Cotabato, Mindanao, na kasalukuyang nakabase sa Roma, Italya.

Ang kanyang mga pelikula ay naglalaman ng mga tema na nauugnay sa kanyang pinagmulan, personal na karanasan at mga saloobin, na may partikular na pokus sa pangangalaga, pagtanggap, at mga katutubong kaugalian. Malalim na nakaugat sa kanyang mga pelikula ang post-colonial na kasaysayan ng Pilipinas, ang diaspora ng mga Pilipino, at ang buhay ng mga manggagawa bilang caregivers at domestic workers.

Kabilang sa kanyang mga kilalang pelikula ang “The Ebb of Forgetting” (2015), na napili para sa seksyong Leopards of Tomorrow sa Locarno Film Festival, at “Notes from Unknown Maladies” (2018), isang dokumentaryong tampok ang kanyang lola.

Siya rin ay naging bahagi ng Berlinale Talents noong 2020, isang prestihiyosong programa para sa mga umuusbong na talento sa industriya ng pelikula.

Noong 2025, idinirehe niya ang pelikulang “Come la notte”, na kalahok sa ika-75 Berlin International Film Festival.

Ano ang Berlinale?

Ang Berlinale, o Berlin International Film Festival, ay isa sa pinakamalaking at pinakaprestihiyosong film festivals sa mundo. Ginaganap ito taun-taon sa Berlin, Germany, at dinadaluhan ng mga kilalang direktor, artista, at industry professionals mula sa iba’t ibang bansa.

Itinatag noong 1951, ang Berlinale ay kilala sa pagbibigay ng Golden Bear (Goldener Bär) bilang pinakamataas na parangal para sa pinakamahusay na pelikula. Mayroon din itong Silver Bear para sa iba’t ibang kategorya tulad ng Best Director, Best Actor, at Best Actress.

Ang festival na ito ay may iba’t ibang seksyon, kabilang ang Competition (para sa pangunahing mga pelikula), Panorama (independent at arthouse films), Forum (experimental cinema), Generation (mga pelikula para sa kabataan) at Perspectives (pelikula mula sa mga batang filmmakers).

Ang Perspective ay itinatag upang bigyan ng plataporma ang mga umuusbong na talento sa industriya, na nagpapakita ng mga makabago at kontrobersyal na tema. Noong Hulyo 2023, inanunsyo ng Berlinale na ang Perspective ay isasama na sa iba pang mga pangunahing seksyon ng festival simula sa 2024.

Para sa karagdagang detalye: I-click lamang ang link https://www.berlinale.de/en/2025/programme/202518267.html

Click to rate this post!
[Total: 2 Average: 5]

Ora legale 2025, malapit na!