Miyerkules ng hapon, lumapag sa Rotterdam, Netherlands, ang eroplano kung saan sakay ang dating pangulo ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte, na inaresto noong Martes sa Maynila alinsunod sa utos ng International Criminal Court (ICC)—ang pangunahing pandaigdigang hukuman para sa mga krimen sa digmaan at laban sa sangkatauhan.
Si Duterte ay nahaharap sa mga akusasyon ng crimea against humanity dahil sa kanyang kampanyang war on drugs. Siya rin ang kauna-unahang pinunong non-African na inaresto sa ilalim ng utos ng ICC, na naitatag noong 2002.
Detensiyon sa Netherlands at Posibleng Proseso
Matapos lumapag sa Netherlands, ayon sa mga ulat, dinala si Duterte sa Scheveningen prison, isang kulungan malapit sa The Hague, kung saan matatagpuan ang head office ng ICC. May espesyal na bahagi sa kulungang ito na inilaan para sa mga indibidwal na kasalukuyang nililitis o katatapos lamang hatulan ng hukuman.
Habang hindi pa nagaganap ang paglilitis, mananatili umano si Duterte sa preventive detention habang pinag-aaralan ng Pre-Trial Chamber kung tuluyang isasampa ang kaso laban sa kanya. Sakaling magsimula ang paglilitis, maaari siyang manatili sa kulungan ng maraming taon. Bagamat may opsyon ang mga akusado na humiling ng pansamantalang paglaya habang nililitis.
Kung sakaling mapatunayang nagkasala, may karapatan si Duterte na umapela. Subalit kung mapanatili ang kanyang hatol, ang Rome Statute—ang kasunduang nagtatag ng ICC—ay nagtatakda na siya ay ililipat sa isang kulungan sa isa sa 125 bansang miyembro ng hukuman, kung saan niya bubunuin ang kanyang sentensiya.
Duterte: Naiibang Kaso
Sa kasalukuyan, ayon sa ulat Il Post, may limang indibidwal na nakakulong sa espesyal na bahagi ng Scheveningen prison. Karamihan sa kanila ay mga state leaders na sangkot sa war crimes.
Ngunit iba ang kaso ni Rodrigo Duterte. Siya lamang ang natatanging akusado na may krimen habang nasa posisyon ng gobyerno.
Inaakusahan siya ng ICC bilang responsable sa libu-libong kaso ng tortyur at pagpatay na isinagawa ng kanyang mga tauhan sa ilalim ng kanyang kampanya laban sa droga. Ayon sa hukuman, ang mga krimeng ito ay may mga katangiang tumutugma sa depinisyon ng crimes against humanity.
Ang Pagkakaiba ng Kaso ni Duterte sa Kanyang Pagkakaaresto
Ang kaso ni Rodrigo Duterte ay natatangi rin dahil sa isang mahalagang dahilan: karaniwan, pinoprotektahan ng mga estado ang kanilang mga pinuno mula sa aksyon ng International Criminal Court (ICC). Kadalasan, hinahadlangan nila ang mga imbestigasyon at pag-aresto upang hindi mapanagot ang kanilang dating o kasalukuyang mga lider. Ngunit naging ibang kaso ito kay Duterte.
Noong 2023, pinayagan ni Marcos Jr. ang mga kinatawan ng ICC na imbestigahan si Duterte. Pagkatapos, noong 2024, nagbukas ang Kongreso ng Pilipinas ng isang opisyal na imbestigasyon sa kanyang mga naging polisiya at aksyon noong siya ay pangulo.
Sa kabila ng kakulangan ng suporta mula sa kasalukuyang administrasyon, matagal nang idineklara ni Duterte na hindi siya natatakot sa ICC at sa kanilang imbestigasyon. At noong Marso 11, 2025—pagbalik niya mula sa Hong Kong, siya ay inaresto sa Maynila, na naging hudyat ng kanyang tuluyang paghaharap sa pandaigdigang hukuman.
Ang pagkakaaresto kay Duterte ay nagdudulot ng malawakang pagkakabaha-bahagi sa mga mamamayan.
Marami sa mga tagasuporta ni Duterte ang nagsakdal kay Marcos Jr., na sinasabing ginamit niya ang ICC upang resolbahin ang sigalot sa politika sa loob ng bansa. Pinuna rin nila ang mga hukom ng ICC, na umano’y pinaboran ang hakbang na ito. Pinagdidinan din ng mga supporters ni Duterte na ang kanyang war on drugs ay tunay na nagtanggal ng takot at nagdulot ng payapa at ligtas na mga kalsada laban sa mga addicts at pusher na naglipana.
Samantala, ang mga asosasyong Pilipino na matagal nang nananawagan ng hustisya ay ikinalugod ang pag-aresto kay Duterte. Gayundin, ang mga pangunahing organisasyong pangkarapatang pantao, na itinuring itong isang makabuluhang tagumpay para sa pandaigdigang hukuman.
Sa lahat ng mga ito, ang paglilitis kay Duterte sa International Criminal Court ay isang makasaysayang kaganapan. Kung mapatunayan siyang nagkasala, ito ay magpapalakas sa kakayahan ng ICC na papanagutin ang mga pinuno ng estado sa mga paglabag sa karapatang pantao.