Sa okasyon ng ika-11 anibersaryo ng Federation of Women in Italy (FWI) kasabay ng pagdiriwang ng World Women’s Day, nagtipon-tipon ang mga miyembro at panauhin sa isang makabuluhang pagtitipon na ginanap sa Roma, Italya. Ang nasabing selebrasyon ay dinaluhan ng mga pinuno ng iba’t ibang samahang Pilipino, kinatawan ng embahada, at iba pang panauhin na sumusuporta sa adhikain ng organisasyon.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni H.E. Ambassador to the Holy See Myla Macahilig ang mahalagang papel ng kababaihan sa pagpapatibay ng komunidad at pagpapalakas ng kanilang presensya sa iba’t ibang larangan ng lipunan. Hinikayat din niya ang bawat isa na manatiling matatag, magkaisa, at maging huwaran ng kasipagan at dedikasyon sa kanilang mga pamilya at komunidad.
Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ay ang seremonya ng panunumpa ng bagong halal na mga opisyal ng FWI. Sa kanilang panunumpa, kanilang ipinangako ang patuloy na pagsusulong ng mga proyekto at programa na magpapalakas sa kakayahan ng kababaihang Pilipino sa Italya, gayundin ang pagtataguyod ng kanilang mga karapatan at kapakanan sa lipunan.
Lubos ang pasasalamat ng bagong halal na presidente ng FWI, Aileen Joy Rabara Quines, sa mga bisita at miyembro na patuloy na sumusuporta sa adhikain ng samahan. Kanyang ipinahayag ang pangakong makatulong at maging inspirasyon sa mga kababaihan.

Bukod sa seremonya ng panunumpa, nagkaroon din ng iba’t ibang pagtatanghal na sumasalamin sa kultura at kakayahan ng kababaihang Pilipino. Tampok sa programa ang mga sayaw at awitin na nagbibigay-pugay sa lakas at diwa ng kababaihan.
Nagbigay rin ng mensahe ang ilang piling panauhin na nagbahagi ng kanilang inspirasyon at karanasan bilang mga lider sa kani-kanilang larangan. Isa na dito si Pia Gonzalez-Abucay, ang patnugot ng Ako ay Pilipino online newspaper para sa mga Pilipino sa Italya. Pangako niya ang pagsuporta sa mga programa ng FWI upang matulungan ang mas maraming kababaihan sa Italya. Bumati at nagbigay din ng maikling mensahe ang mga dumalong sponsors.
Ang buong pagdiriwang ay isang pagpupugay sa mga kababaihang nagpakita ng kahanga-hangang kontribusyon sa komunidad. Ito ay isang parangal bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at serbisyo sa kapwa Pilipino sa Italya.
Sa pangunguna ng bagong hanay ng mga opisyal, kasama ang mga bagong miyembro, magpapatuloy ang Federation of Women in Italy sa kanilang misyon at asahan ang mas maraming programa at inisyatiba na magbibigay-lakas at suporta sa kababaihang Pilipino sa Italya.
Ang mga bagong halal na Opisyales:
- President -Aileen Joy Rabara Quines
- Vice President – Edna Lorenzana
- Secretary – Rhovelyn Montero
- Assistant Secretary – Fely Lizardo
- Treasurer – Lucy Cabigting
- Asst treasurer – Aileen Luistro
- Auditor – Desiree Rafanan
- Asst. – Virgie Ranchez
- PRO-Helen Mendez, Edna Sia, Lilibeth Rafanan Mariano, Noraine Delton Manzano
- Advisers – Josephine Duque, Josie Manuel & Merly Camu Sianen
- Founder: Blanca Ramirez
