Ngayong araw, Abril 25, 2025, naging sentro ng atensyon ang St. Peter’s Square sa Vatican City sa gitna ng mga makasaysayang kaganapan kaugnay sa pagpanaw ni Papa Francisco.
Matapos ang tatlong araw ng pagluluksa, tinatayang humigit kumulang 250,000 katao mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang dumalaw sa St. Peter’s Basilica upang magbigay ng huling pagpupugay kay Papa Francisco. Ang kanyang labi ay inilagak sa gitna ng basilica, kung saan ang mga deboto ay pumila ng ilang oras upang makapasok at manalangin.

Seremonya ng Pagse-seal ng Kabaong
Ngayong gabi, alas-8:00 ng gabi (oras sa Italya), isinagawa ang liturgical ceremony ng pagse-seal ng kabaong ni Pope Francis sa loob ng St. Peter’s Basilica. Pinangunahan ito ni Cardinal Camerlengo Kevin Farrell.
President Bong-Bong Marcos, dumating na sa Roma
Dumating na rin sa Roma ang mahigit 130 opisyal na delegasyon mula sa iba’t ibang bansa bilang paghahanda sa libing ni Papa Francisco bukas, Abril 26. Kabilang sina President Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr at ang kanyang maybahay First lady Liza Araneta Marcos. Dadalo din sina US President Donald Trump, Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy, French President Emmanuel Macron, at European Commission President Ursula von der Leyen. Ang kanilang presensya ay nagpapakita ng malawakang paggalang sa yumaong Santo Papa.
Jubilee of Teenagers
Kasabay ng mga seremonya ng pagluluksa, opisyal ding binuksan ngayong araw ang “Jubilee of Teenagers” na bahagi ng Jubilee of Hope 2025. Ang tatlong araw na pagtitipon (Abril 25–27) ay naglalayong hikayatin ang mga kabataan mula sa buong mundo na lumahok sa mga aktibidad na espiritwal, kultural, at panlipunan, kabilang ang mga konsiyerto, peregrinasyon, at banal na misa.
Habang nagluluksa ang Simbahang Katolika sa pagpanaw ni Papa Francisco, patuloy din ang pag-asa at pananampalataya na kanyang iniwan sa mga mananampalataya, lalo na sa mga kabataan na siyang kinabukasan ng simbahan.