in

Halalan 2025 sa Italya: Mababa ang Turnout ng Overseas Online Voting

Sawi ang Commission on Elections (Comelec) sa layunin nitong pataasin ang partisipasyon ng mga Filipino overseas sa pamamagitan ng internet voting para sa 2025 midterm elections. Sa Italya, masyadong mababa ang turnout ng mga overseas voters — 15% lamang.

Ayon sa datos ng Comelec, mula sa tinatayang 15 milyong overseas Filipinos, humigit-kumulang 1.25 milyon lamang ang nakarehistro para sa Halalan 2025.

Sa Italya — na may malaking populasyon ng mga Pilipino — iniulat ng Comelec ang mga sumusunod na bilang ng overseas active voters:

  • Roma: 18,647
  • Milan: 19,773
  • Malta: 963
  • Albania: 30
  • Vatican: 492

Sa kabuuang 39,415 overseas active voters5,950 lamang (o 15.10%) ang aktwal na bumoto, batay sa Election Returns:

  • Milan – 3,665 (18.54%)
  • Roma – 2,145 (11.50%)
  • Malta – 138 (14.33%)
  • Albania – 2 (6.67%)

Mula sa 44.53% turnout noong nakaraang presidential election noong Mayo 2022 — kung saan umabot sa 16,866 ang mga bumoto mula sa kabuuang 37,874 rehistradong botante sa hurisdiksyon ng Embahada ng Pilipinas sa Italya — bumagsak ito sa 15.10% ngayong Halalan 2025.

Para kay Romulo Salvador, dating kinatawan ng mga dayuhang residente sa Comune di Roma o lokal na pamahalaan ng Roma, kahit siya’y nawawalan na ng pag-asa sa politika sa Pilipinas, nanaig pa rin ang kanyang civil responsibility, kaya’t siya ay bumoto online.

Ayon sa kanya, mababa ang turnout ng eleksyon sa Italya dahil una, sa “mahirap na proseso ng online voting.” Ikalawa, dahil “Siguro naaasar na ang mga Pilipino at nawawalan na ng pag-asang titino pa ang ating gobyerno at ang mga politikong walang ginawa kundi mangurakot at magbangayan.”

Bukod kay Salvador, marami ang nagpahayag ng pagkadismaya sa gobyerno ng Pilipinas, lalo na sa kakulangan ng impormasyon tungkol sa internet voting at sa mabusising proseso ng pre-enrollment.

Hadlang din sa partisipasyon ang kahirapan sa pag-access at paggamit ng Online Voting and Counting System (OVCS), kabilang ang mga problema sa authentication at pre-enrollment.

Narito ang nangungunang senatorial candidates sa Italy, batay sa Election Returns

  1. Go, Bong Go – 3,289
  2. Dela Rosa, Bato – 3,173
  3. Marcoleta, Rodante – 3,156
  4. Bondoc, Jimmy – 2,183
  5. Rodriguez, Atty Vic – 2,150
  6. Aquino, Bam – 2,034
  7. Pangilinan, Kiko – 1,954
  8. Lambino, Raul – 1,952
  9. Hinlo, Jayvee – 1,892
  10. Larson, Ping – 1,843
  11. Sotto, Tito – 1,692
  12. Mendoza, Heidi – 1,649

Ang mga nangungunang party-list groups sa Italya

  1. Duterte Youth – 927
  2. ML – 535
  3. Epanaw Sambayanan – 365
  4. Akbayan – 290
  5. Cibac – 267

(isinulat ni: PGA at Chet de Castro Valencia – photo ni: Chet de Castro Valencia)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Pope Leo XIV, Tulay para sa Kapayapaan at Pagkakaisa