in

Petrine Ministry ni Pope Leo XIV, Opisyal nang Nagsimula

Opisyal na nagsimula ang Petrine Ministry ni Pope Leo XIV noong nakaraang Linggo, Mayo 18, 2025. Ang inauguration Mass sa St. Peter’s Basilica at Square—isa sa mga pinaka-solemneng misa sa Vaticano—ay naging pormal na pagsisimula ng kanyang tungkulin bilang Santo Papa at kahalili ni San Pedro, ang unang Obispo ng Roma.

Tinatayang higit sa 200,000 katao ang dumalo sa misa, kabilang ang halos 160 opisyal na kinatawan mula sa iba’t ibang bansa, tulad ng mga lider ng Simbahang Katolika sa iba’t ibang kontinente, mga pinuno ng estado, at mga kasapi ng diplomatic corps.

Mahahalagang Ritwal

Bahagi ng misa ang ilang makasaysayang ritwal na puno ng simbolismo:

  • Ang Pallium – Isa itong liturgical vestment na gawa sa balahibo ng tupa. Isinusuot ito sa balikat ng Santo Papa bilang simbolo ng Mabuting Pastol na inaalagaan ang kanyang kawan. Inaalala rin nito ang tatlong ulit na pagtanggap ni San Pedro sa utos ni Kristo na “alagaan ang aking mga tupa.”
  • Fisherman’s Ring – Ang singsing na ito ay sumisimbolo sa misyon ni San Pedro bilang mangingisda ng mga tao, na may kaugnayan sa himala ng masaganang huli matapos niyang ihagis ang lambat alinsunod sa salita ni Hesus. Sa kasaysayan, ito rin ang ginagamit bilang selyo ng pananampalataya at kapangyarihang ipinagkatiwala sa Santo Papa.

Matapos ang pagbasa ng Ebanghelyo, tatlong Kardinal mula sa iba’t ibang kontinente ang lumapit kay Pope Leo XIV upang pormal na ipagkaloob sa kanya ang Pallium at Fisherman’s Ring. Si Cardinal Luis Antonio Tagle, ang nag-abot ng Fisherman’s Ring sa bagong Santo Papa. Kasabay nito ang mga panalangin para sa kanyang misyon bilang bagong Pastol ng Simbahang Katolika.

Pandaigdigang Pagtitipon at Pagkakaisa

Ang misa ay sinundan ng isang simbolikong ritwal ng katapatan, kung saan labindalawang kinatawan mula sa iba’t ibang sektor ng Simbahan at lipunan ang lumapit upang ipahayag ang kanilang pagsunod sa bagong Santo Papa—isang tanda ng pagkakaisa ng Sambayanang Katoliko sa buong mundo.

Sa kanyang maikling mensahe matapos ang misa, nanawagan si Pope Leo XIV ng kapayapaan at pagkakaisa, partikular sa mga lugar na pinaghaharian ng sigalot at digmaan. Ipinahayag din niya ang hangaring mapanatili ang pagiging bukas ng Simbahan sa lahat—mayaman man o mahirap, lokal man o dayuhan.

Ang inaugural Mass ay isang makasaysayang pagdiriwang na muling nagpapatibay sa pananampalataya ng milyun-milyong Katoliko sa buong mundo at naghuhudyat ng panibagong yugto sa pamumuno ng Simbahang Katolika sa ilalim ng gabay ni Pope Leo XIV.

Pagbati ni Pope Leo XIV

Bago simulan ang misa, sakay ng papal jeep, ay sinorpresa ni Pope Leo XIV ang mga mananampalataya sa pamamagitan ng pag-ikot sa St. Peter’s Square at sa kahabaan ng Via della Conciliazione. Mainit ang naging pagtanggap ng mga deboto, na labis na natuwa sa di-inaasahang pagbati ng Santo Papa. Marami ang naantig sa kanyang pagpapakita ng malasakit at pagiging malapit sa mga tao, na naging makabuluhang bahagi ng makasaysayang araw na iyon.

Nasorpresa kami kasi si Pope Francis, kadalasan ay pagkatapos pa ng misa umiikot para batiin ang mga tao. Pero ngayon, bago pa man nagsimula ang misa, lumibot na si Pope Leo XIV. Nakakatuwa at talagang ‘blessed na blessed’ kami,” ayon sa isang grupo ng mga Pilipino na maagang pumila upang makapasok sa St. Peter’s Square at makibahagi sa inauguration Mass ng bagong Santo Papa.

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Halalan 2025 sa Italya: Mababa ang Turnout ng Overseas Online Voting