Isang mahalagang referendum ang gaganapin sa Italya sa darating na June 8 at 9, 2025, na may layuning paikliin mula 10 taon hanggang 5 taon ang kinakailangang regular na paninirahan para makapag-aplay ng Italian citizenship.
Kapag pumasa ito sa referendum, ang mga dayuhang residente na matagal nang naninirahan at nakatutulong sa kaunlaran ng Italya ay magkakaroon ng mas mabilis na panahon sa pagkakaroon ng buong karapatan bilang mamamayan. Bukod pa rito, ang citizenship ay awtomatikong ipagkakaloob sa kanilang mga anak na menor de edad.
Ayon sa mga pagtataya, aabot sa humigit-kumulang 2.5 milyong katao ang maaaring makinabang sa repormang ito—mga indibidwal at pamilya na, bagama’t hindi ipinanganak na Italyano, ay dito lumaki, nag-aral, nagtrabaho, at patuloy na nagbibigay-ambag sa lipunan.
Sa kasalukuyang sistema, marami sa kanila ang walang karapatang bumoto, makilahok sa mga pampublikong kompetisyon, o maging kinatawan ng Italya sa mga international competition, dahil sa kakulangan ng citizenship. Ang kawalan ng italian citizenship ay hadlang sa kanilang pakikilahok sa buhay pampulitika, panlipunan, at pangkultura ng bansa.
Ang layunin ng referendum ay iayon ang Italya sa iba pang mga pangunahing bansa sa Europa na matagal nang kinikilala ang kahalagahan ng pagbibigay ng mga karapatan at oportunidad sa lahat ng mamamayan—anuman ang kanilang pinagmulan. Itinuturing itong hakbang patungo sa mas inklusibong lipunan at isang mas maunlad na hinaharap para sa buong bansa.
Sa Germany, simula noong 2024 ay ibinaba na sa 5 taon ang required years of residency. Sa France na nangangailangan ng 5 taong residency, at ibinaba pa ito sa 2 taon para sa mga nag-aral sa bansa.
Sa Spain ay karaniwang nangangailangan ng 10 taon, ngunit ibinaba sa 2 taon para sa mga mamamayan ng mga bansang may makasaysayang at kultural na ugnayan sa Espanya, tulad ng mga Pilipino. Sa Netherlands naman ay nangangailangan ng 5 taong tuloy-tuloy na paninirahan.
Ang mga Pilipinong may karapatang bumoto, (o ang mga naturalized Italians), ay hinihikayat na lumahok sa nasabing halalan upang magpahayag ng kanilang suporta sa repormang ito. Isa itong pagkakataon na maaaring makabago sa kinabukasan ng milyun-milyong migrante sa Italya —lalo na sa mga kabataan at pamilyang dayuhan na matagal nang itinuturing na bahagi ng Italya.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.referendumcittadinanza.it
Basahin din:
- Referendum ukol sa Italian Citizenship, Inaprubahan ng Constitutional Court
- Anu-ano ang mga benepisyo ng pagkakaroon ng Italian Citizenship?