Summer na naman, at maraming Pilipino sa Italya ang nagbabalak magbakasyon o bumiyahe sa iba’t ibang bahagi ng Europa para sa isang short stay. Nakaka-relax at nakakaaliw ang pagbibiyahe, ngunit hindi maiiwasan ang posibilidad ng aksidente o biglaang pagkakasakit. Kaya naman, mahalagang dalhin ang Tessera Europea di Assicurazione Malattia (TEAM), na kilala rin bilang European Health Insurance Card (EHIC).
Tessera Europea di Assicurazione Malattia o TEAM
Ang Tessera Europea di Assicurazione Malattia o TEAM ay isang libreng health card na nagbibigay ng access sa mga serbisyong pangkalusugan habang pansamantalang nasa isa sa 27 bansang kasapi ng European Union, pati na rin sa Iceland, Liechtenstein, Norway, at Switzerland. Sa pamamagitan nito, makatatanggap ng mga kinakailangang tulong medikal sa parehong kondisyon at gastos tulad ng mga lokal na nakaseguro – at sa ilang bansa, maaaring libre ito.
Ano ang saklaw ng TEAM
Sinasaklaw ng TEAM ang anumang urgent treatment na hindi maaaring ipagpaliban hanggang sa pagbabalik sa Italya. Ito ay lalong mahalaga para sa mga hindi inaasahang medikal na pangyayari habang nagbabakasyon sa Europa.
Mahahalagang Paalala ukol sa TEAM:
- Hindi ito kapalit ng travel insurance. Hindi nito sinasaklaw ang pribadong serbisyong medikal, repatriation (pag-uwi sa sariling bansa), o pagkawala/pagnanakaw ng mga gamit.
- Hindi ito para sa planadong pagpapagamot. Hindi nito sasagutin ang gastos kung layunin ng biyahe ay para magpagamot sa ibang bansa.
- Hindi nito ginagarantiyahan na libre ang serbisyo. Dahil magkakaiba ang mga sistemang pangkalusugan ng bawat bansa, ang mga serbisyong libre sa Italya ay maaaring may bayad sa ibang bansa.
Paano Kumuha ng TEAM
Para sa mga Pilipino na may regular na permesso di soggiorno sa Italya, kinakailangan ang pagpapatala (iscrizione, maaaring obbligatoria o volontaria) sa Servizio Sanitario Nazionale (SSN) o National Health Service ng Italya. Sa pamamagitan ng SSN ay nakakatanggap ng mga serbisyong medikal tulad ng pagkakaroon ng medico di famiglia (family doctor).
Matapos ang pagpapatala, awtomatikong ipinapadala ng Agenzia delle Entrate ang tessera sanitaria, isang mahalagang dokumento para sa access sa health services ng SSN.
Bukod sa lokal na gamit, ang tessera sanitaria ay nagsisilbi na ring TEAM, kaya hindi na kailangang kumuha ng hiwalay na card. Makikita ang TEAM sa likod ng tessera sanitaria, maliban na lamang sa ilang piling sitwasyon.
Paalala:
Hinihikayat ang lahat ng Pilipino sa Italya na laging dalhin ang tessera sanitaria kapag nagbibiyahe sa Europa. Ito ay nagsisilbing pisikal na patunay na ikaw ay naka–insured at ito ay nagbibigay ng karapatang makatanggap ng kinakailangang serbisyong medikal sa ibang bansang kasapi ng EU.