Sa isang makabayang seremonya, ginunita ang ika-127 anibersaryo ng proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang flag raising ceremony sa bakuran ng Embahada ng Pilipinas sa Roma.

Pinangunahan ni Ambassador Neal Imperial ang pagtataas ng watawat ng Pilipinas. Kasama sina Consul General Randy Arquiza, Agriculture Attaché Josyline Javelosa, Dennis Carrascoso ng Philippine Chamber of Commerce in Italy, Aileen Joy Rabara ng Federation of Women in Italy at sina Johan Alcid Malapaya at Kyle Christian Portugal bilang Flag Bearers sa unang bandila. Sa ikalawang bandila ay kasama sina DCM Donna Celeste Feliciano-Gatmaytan, Labor Attaché Teresa Lourdes Pimentel, Jun Manila ng Philippine Independence Day Association, Carlos Simbillo ng Knights of Rizal Italy, Pablo Alvarez ng Confederation of Filipino Community in Tuscany, at mga kabataan ng IMS at Pinoy Teens Salinlahi bilang Flag Bearers.
Ito ay sinabayan ng pag-awit ng “Lupang Hinirang”, habang ang mga dumalo ay nakalagay ang kanang kamay sa kanilang dibdib bilang tanda ng paggalang. Kasunod nito ang pagbigkas ng Panunumpa sa Watawat ng Pilipinas, isang makabuluhang simbolo ng ating pambansang pagkakakilanlan.

Sa kanyang maikling mensahe, binigyang-diin ni Ambassador Imperial ang kahalagahan ng pagkakaisasa pag-abot ng mga Pilipino sa inaasam na kalayaan. Kanyang binasa rin ang opisyal na mensahe ng Pangulo ng Pilipinas, Ferdinand R. Marcos Jr., para sa Araw ng Kalayaan. Sinundan ito ng pagbasa ni Deputy Head of Mission Donna Celeste Feliciano-Gatmaytan ng mensahe ni DFA Secretary Enrique Manalo.

Ibinahagi rin ang mensahe ni Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na binasa ni Labor Attaché Teresa Lourdes Pimentel, at ang mensahe ni Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na binasa naman ni Agriculture Attaché Josyline Javelosa.

Bilang tampok ng programa, ipinamalas ang mayamang kulturang Pilipino sa pamamagitan ng mga makukulay na pagtatanghal ng mga mag-aaral mula sa International Philippine School in Italy (IPSI) at International Migrants School (IMS). Hindi rin nagpahuli ang Pinoy Teens Salinlahi. Ang mga nagtanghal ay umani ng masigabong palakpakan mula sa mga dumalo.



Isa sa mga inaabangan sa okasyon ay ang agahang Pilipino, kung saan hinain ang mga paboritong almusal tulad ng sinangag na may tapa, tocino, chorizo, longganisa, at itlog na pula. Hindi rin nawala ang mga matatamis na kakanin gaya ng maja blanca at sapin-sapin, na lalong nagpasaya sa mga bisita.

Kasama sa pagtitipon ang mga opisyal at kawani ng Embahada, mga lider ng Filipino community sa Roma at karatig-lungsod, mga kabataan, at iba’t ibang samahan. Nagtapos ang makabuluhang araw sa masayang kwentuhan, photo ops, at selfies — mga simpleng sandali na sumasalamin sa masayahing kulturang Pilipino. (Photos: Boyet Abucay)