Habang unti-unting pinapalitan ng Omicron 2 ang Omicron 1 at kumakalat na parang nag-aalab na apoy sa buong mundo – sa China ay nasasaksihan ang pinakamalaking lockdown, kung saan may higit 25 milyong tao ang naka-lockdown – sinusubaybayan ng World Health Organization ang isang bagong strain ng Omicron variant: ang XE, pinaghalong sub variant na BA.1 at BA.2.
Patuloy na pinag-aaralan ng mga opisyal ng kalusugan ang panganib sa publiko na nauugnay sa bagong strain, kasama ang iba pang mga variant ng coronavirus. Ayon sa WHO, ang Covid ay nananatiling isang internasyonal na emerhensiyang pangkalusugan at nagbabala na “masyadong maaga pa” upang bawasan ang antas ng pag-iingat.
XE variant, ano ito?
“Ang XE ay isang Omicron variant at ito ay mananatili hanggang hindi pa natatagpuan ang pagkakaiba nito sa transmission, sa katangian kabilang ang lubhang hatid nito,” ayon sa WHO.
Unang nakita ang XE sa UK noong January 19, 2022 at mahigit sa 600 kaso naang naitala mula noon. Ayon sa mga unang pag-aaral, ang bagong strain ay 10% na mas nakakahawa kaysa sa variant ng Omicron 2, bagama’t nangangailangan pa ng mas mahabang panahon bago ito makumpirma.
Gayunpaman, sa kasalukuyan ay wala namang indikasyon na ang bagong variant ay may sapat na lakas upang magdulot ng bagong wave at samakatwid, ay hindi pa naman dapat maghatid ng pangamba. Kailangang maghintay pa umano ng panahon upang malaman ang lakas ng transmission nito, ayon sa mga eksperto. Mahalagang gawin pa rin ang lahat ng mga pag-iingat upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Sa kasalukuyan ay kakaunti pa ang mga impormasyon tungkol sa sintomas, epekto at coverage ng bakuna laban sa bagong strain XE. Ang mga sintomas sa ngayon ay tila ang mga karaniwang nauugnay sa Covid, partikular ang ubo, sipon at lagnat. Kasama din ang pagkapagod at pananakit ng katawan, kawalan ng ganang kumain, pagtatae, pananakit ng ulo at kawalan ng pang-amoy at panglasa.