Nanawagan si Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang Director-General ng World Health Organization, na huwag munang bakunahan ang mga bata, bagkus ay ibigay munang donasyon ang mga bakuna sa Covax.
Ang Covax ay inilunsad noong nakaraang Abril 2020 ng WHO. Programa nito ang pandaigdigang pagtutulungan sa pagbibigay ng pantay na access sa lahat ng mga bansa sa bakuna kontra Covid19.
Kaugnay nito, nagbigay din si Tedros Adhanom Ghebreyesus ng update ukol sa pandemya. Aniya ang taong 2021, sa kasamaang palad ay magtatala ng ‘record’ sa bilang ng mga biktima ng Covid19. “Ang ikalawang taon ng pandemya hatid ng Covid19 ay handa na upang maging mas nakamamatay na taon kaysa sa nauna”, babala ng direktor ng WHO.
“Bukod sa India, ang ilang mga bansa tulad ng Nepal, Sri Lanka, Vietnam, Cambogia, Thailand at Egypt ay humaharap din sa peak ng ikalawang taon ng pandemya sa bilang ng mga kaso at mga malala sa ospital pati mga biktima”. Bigay-diin ng direktor sa ginawang press conference upang ilahad ang lumalalang sitwasyon sa kasalukuyan na sangkot ang buong mundo kasabay ng panawagan sa lahat:
“Nauunawaan ko kung bakit ang ilang bansa ay nais bakunahan na kahit ang mga bata at mga teenagers, ngunit sa panahong ito ay hinihimok ko sila na isaalang-alang sa halip ang pagbibigay donasyon ng mga bakunang ito sa programa ng Covax”.