Kumakalat muli ang Covid19 sa ilang bahagi ng Europa bago tuluyang magsimula ang Autumn season. Partikular sa Eastern Europe ay nanganganib muli ng bagong lockdown marahil dahil sa mabagal na vaccination campaign.
Lahat ng mga bansa sa Eastern Europa ay muling nagtatala ng nakakabahalang pagtaas sa bilang ng mga bagong positibo sa Covid19 tulad ng Ukraine, Romania, Poland, Bulgaria, Belarus, Czech Republic at Slovakia ang mga bansang higit na nanganganib. Sa Latvia at United Kingdom ay nagkakaroon ng mabilis na pagkalat ng Covid19, bagaman inanunsyo ni British Premier Boris Johnson na inaasahan na ito matapos ang pagtatanggal ng mga paghihigpit noong nakaraang July 19, 2021. Samantala, ang Russia ay ang non-EU country na nagtala ng halos 1000 biktima kada araw dahil sa Covid-19.
UK
Naitala sa huling 24 na oras ang bagong record mula kalahatian ng July: 49,156 ang mga infected ng Covid19 sa halos isang milyong tests.
Samantala, nananatiling nasa 7,000 ang bed occupancy sa mga ospital at ang naitalang bilang ng mga biktima ay 45 mula sa bilang na 57 noong nakaraang araw.
Inihayag din ng Premier na maaaring maging challenging ang paparating na winter, bagaman umaasa ang gobyerno na hindi kakailanganing sumailalim sa general lockdown.
Latvia
Ang Latvia ay ang bansang pinaka-nanganganib sa kasalukuyan. Sa katunayan ang gobyerno ay inaasahang magpapatupad ng bagong lockdown upang maagapan ang pagkalat muli ng Covid19. Ito ang inanunsyo ng Punong Ministro na si Krisjanis Karins matapos ang meeting kasama ang crisis committee on Covid.
Ang paghihigpit ay kailangang aprubahan ng gobyerno at pagkatapos ng Parlyamento na marahil ay magsisimula sa Huwebes Oct 21. Posible rin ang pagpapatupad ng curfew mula 8pm hanggang 5am ng umaga, kasama ang pagsasara ng mga non- essential activities tulad ng mga bar, sinehan, theaters at restaurants.
Romania
Kahapon ay nagtala ng 18,863 mga bagong kaso ng Covid19 sa Romania. Samantala 561 naman ang mga naitalang namatay dahil sa Covid19.
Ang sanhi ng muling pagtaas sa bilang ng mga infected ay ang mabagal na vaccination campaign sa bansa. Halos 30% lamang ng populasyon ang nakatanggap ng dalwang dosis ng bakuna kontra Covid19.
Poland
Nagtala ng pagtaas ng 85% sa bilang ng mga bagong positibo sa Covid19 sa Poland sa huling linggo. Gayunpaman, ang bilang ay nananatiling mas mababa sa 5,000 infected sa isang araw.
Ito ang inanunsyo ng Deputy Minister of Health, Waldemar Kraska, na isang panayam sa Polskie Radio.
Russia
Sa Russia ay nagtala ng pinakamataas na bilang ng mga biktima mula sa simula ng pandemya. Umabot sa 1,019 ang mga namatay sa huling 24 oras, ayon sa Tass, ang news agency na itinatag ng Soviet Union.
Ayon sa opisyal na datos, 33,740 ang naitalang bilang ng mga bagong positibo sa Covid-19 sa huling araw. Ipinatutupad ng gobyerno ng Russia ang pagiging mandatory ng Green pass upang maka-attend ng mga malalaking events sa indoors at outdoors simula November 1, 2021.
Ang sanhi ng pagdami ng mga kaso ng Covid19 sa Russia ay ang mahinang bisa ng bakunang Russian Sputnik.
Ukraine
Naitala din sa Ukraine ang mataas na bilang ng mga namatay sa huling 24 oras: 538, ang pinakamataas na naitala mula sa simula ng epidemya.
Ang balita ay iniulat ng Rbk, ang online newspaper sa Ukraine.
Sa madaling salita, ang pandemya ay tila nagsasasik muli ng pangamba sa Eastern Europe at ilang non-EU countries. Nanganganib muli ng pagdami ng mga kaso sa mga kalapit bansa ng mga nabanggit kung saan mayroong commercial at cultural exchages.
Bukod dito, ang isang bagong lockdown ay nangangahulugang ng pagbibigay muli ng ayuda sa lahat ng mga commercial activities na nanganganib na muling magsara: isang krisis sa ekonomiya na maaaring makaapekto sa buong Europa.