Dark red o rosso scuro, ito ang bagong kulay sa Europa na naglalarawan ng high risk. Isang bagong klasipikasyon ng sitwasyon sa Europa. Ito ay karagdagang preventive measures ng Europa. Upang mapanatiling bukas ang mga borders nito sa kabila ng paghagupit ng covid19 sa mga bansa ng EU.
Inilahad ni EU Justice Commissioner Didier Reynders ang simulasyon ng isang bagong contagion map. Ito ay ginawa ng European Center for Disease Prevention and Control. Ang Italya ay isa sa mga bansang na may kulay dark red, isang klasipikasyong naglalarawan ng mataas na panganib.
Tinatayang nasa sampu hanggang dalawampung lugar ang may mataas na panganib. Matatagpuan ang mga ito sa mga bansang Italya, Pransya, Alemanya, Portugal at Espanya.
Ang Friuli-Venezia Giulia, Emilia-Romagna at Veneto, kasama ang Provincia autonoma di Bolzano, sa Italya, ay posibleng kabilang dito.
Isasailalim sa mandatory test at quarantine ang mga lugar na may kulay dark red upang makapag-biyahe sa EU. (PGA)