Magkakaroon ng bagong mukha ang kilalang International Green Pass para sa pagbibiyahe worldwide.
Tinatayang umabot sa 2.3 billion ang mga inisyu na EU Digital Covid Certificate simula magkabisa ito noong nakaraang July 1, 2021, bilang mahalagang tugon ng Europa laban sa Covid-19 noong pandemya. Ang nabanggit na sertipiko, na nagpapatunay sa Covid19 vaccination, test at recovery, ay nagpahintulot sa muling ligtas na paglalakbay at naging susi ng Europa sa muling pagbangon ng sektor ng turismo na higit na naapektuhan ng Covid19.
Dahil dito, maituturing na ang EU Digital Covid Certificate ay isang tagumpay worldwide. Ito ay ang natatanging pamantayan sa international travels na pinakinabangan ng halos 51 mga bansa sa 4 na kontinente.
Ang EU Digital Covid Certificate ay nakatakdang magkaroon ng bagong mukha bago sumapit ang itinakdang pagpapawalang bisa dito sa nalalapit na June 30, 2023.
Sa kasalukuyan, ilang araw pa lamang ang nakakalipas, nilagdaan ng European Commissioner for Health, Stella Kyriakides, at ng Director General ng WHO, Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang isang kasunduan na magpapakilala sa bagong International Green Pass for travellers.
Ang bagong mukha ng Green Pass ay halos kapareho ng e-file na ginamit ng karamihan noong pandemya, bagaman naiiba ang layunin at paraan ng paggamit nito. Sa kasalukuyan ay hindi pa alam kung kailan magiging operational ang kasunduan, ngunit ang WHO at ang EU ay ipinagbigay-alam ang ilang pangunahing detalye.
International Green Pass
Layunin ng bagong International Green Pass ang pagbibigay nang mas madali at mas mabilis na pagsusuri sa health datas sa Europa. Partikular, ito ay inaasahang magiging isang electronic health card/booklet na balido globally, kung saan napapaloob din ang International Certificate of Vaccination o Prophylaxis. Ito ay magiging isang mahalagang instrumento sa paglalakbay, dahil ito ay naglalaman ng mga mandatory vaccinations na maa-authenticate nang mabilis at madali, na kinakailangan sa maraming bansa.
Ang International Green Pass ay magkakaroon din ng pangalawang layunin, o ang paglikha ng isang database na magagamit sa pananaliksik para sa paggamot ng iba’t ibang uri ng mga sakit, bukod pa sa posibleng magiging ambag nito sa medical-scientific progress.
Samakatwid, inaasahan na ang bagong International Green Pass ay magbibigay ng higit na proteksyon para sa mga mamamayan at mga manlalakbay. (PGA)