Labing-apat hanggang sa labinlimang pamilyang Pilipino ang mga residente sa Norcia, isa sa apat na probinsya na higit na apektado ng lindol Miyerkules ng madaling araw.
Roma, Agosto 24, 2016 – Bandang alas 3:36 ng madaling araw ng yanigin ng malakas na lindol, intensity 6, ang Central Italy. Naramdaman ang lindol sa mga rehiyong Umbria, Abruzzo, Marche at Lazio.
Epicenter ng pagyanig ang Perugia at pangunahing apektado ang mga probinsya ng Pescara del Tronto, Arquata, Norcia at Amatrice kung saan naitala ang higit na numero ng biktima. Ayon sa Ansa, kasalukuyang umabot na sa 73 ang biktima ng lindol.
Patuloy pa ring nararamdaman ang aftershock, dahilan upang tuluyang lisanin ng mga Pilipino ang kanilang mga apartment at manatili sa labas ng kanilang mga bahay.
“Matapos po ang malakas na lindol kaninang madaling araw kami ay lumabas ng aming mga bahay at hanggang ngayon ay nasa park, open space kung saan nasa ilalim ng pangangalaga ng protezione civile at pamahalaang lokal”, ayon kay Vic Ramos, isang residenteng Pinoy sa Norcia halos isang taon na kasama ang iba pang 7 pamilya. Sila ay nasa Norica dahil sa pagsasara ng pabrika sa Roma kung saan unang nagta-trabaho ang mga ito.
Ani ni Vic, pitong pamilya silang magkakasama sa kasalukuyan at inaasahang makakasama pa ang karagdagang 7 hanggang 8 pamilya na matagal ng residente sa Norcia upang sama-sama silang magpalipas ng gabi.
Hindi makalabas ng Norcia ang mga Pilipino dahil sa pagbagsak ng tulay sanhi ng lindol.
“Malamig na po dito kahit Agosto pa lamang at inaasahan po naming hindi magiging madali para sa amin ang unang gabing ito dahil nakakatakot po dahil nararamdaman pa ang mga aftershocks”, dagdag pa ni Vic.
Samantala, kinumpirma naman ni Vic na sa kasalukuyan ay nasa mabuti silang kalagayan at may komunikasyon sa Embahada ng Pilipinas.
Si Vic Ramos ang tumatayong pinaka matanda sa unang grupo ng 7 pamilya, kasama sina Andrea Bautista, Friday Salta at ang kani-kanilang pamilya.
Samantala, sina Labor Attachè Ponciano Ligutom at Welfare Officer Hector Cruz ay mabilis na nagtungo sa Amatrice upang personal na makita at masuri ang sitwasyon kung sakaling may Pilipinong biktima doon.
PGA