Sa paglipas ng mga araw mula nang mabalita ang pagkalat ng novel coronavirus 2019-nCoV ay kasabay ding umiinit ang mga isyu na may kinalaman sa diskriminasyon sa halos lahat ng panig ng mundo. Mapapansin na laman ng mga pahayagan, telebisyon, at maging ng social media ang mga episodyong nagdadala ng hindi maliit na pag-aalala mula sa mga pamahalaan ng iba’t-ibang bansa.
Kamakailan ay pumutok ang balita ukol sa isang 5-taong gulang na batang pilipino sa Catanzaro, Calabria biktima ng pananakit ng isang lalaki sa loob ng isang centro commerciale sa nasabing lugar.
Alam ng lahat na ang mga bata ay walang pinipiling edad, kulay, o kasarian kung paglilibang ang paguusapan. Ang tanging nais ng mga ito ay magsaya at maglaro.
Ayon sa mga naunang report, sa loob ng isang pamilihan sa Catanzaro ay nasaksihan ang isang malinaw na eksena ng diskriminasyon na kinondena ng marami. Sa paglapit pa lang umano ng batang pinoy sa isa pang bata ay agad na nakitaan ng inis ang ama ng huli at wari umanong gustong sipain nito ang bata. Sinigawan nito ang bata at pilit pinalayo sa kanyang mga anak. Ilang sandali ang lumipas ay muling bumalik ang paslit upang makipaglaro. Dito na tuluyang sinipa ng lalaki ang bata. Nang makita ng ama ang nangyari ay agad itong lumapit at tinanong ang nanipa kung bakit nito sinaktan ang kanyang anak. Sagot ng lalaki “E’ uno sporco cinese, deve andare via” (Isa yang maduming chinese at kailangang umalis yan dito). Maraming nakasaksi sa nangyari at ang isang dalagang italyana na kaibigan ng pamilya ng mga pilipino ay naglakas loob na iparating sa mga awtoridad ang insidente.
Samantala, batay sa pinakahuling ulat ng mga awtoridad, umakyat na sa 425 ang bilang ng mga nasawi dahil sa 2019-nCoV kung saan ang isa sa mga ito ay binawian ng buhay sa Manila.
Umapela naman ang gobyerno ng bansang Italya na iwasan ang diskriminasyon sa harap ng mainit na isyu sa 2019 novel coronavirus kasunod ang paalalang iwasang magpanic at magkalat ng maling impormasyon na maaaring makapagpalala sa sitwasyon. Sa halip ay magkaisa at magtulungan para malagpasan ang pagsubok na hinaharap ng buong mundo sa ngayon. (ni: Quintin Kentz Cavite Jr.)