Aabot sa 815,000 ang mga mag-aaral sa Italya na mayroong foreign citizenship at 60% nito ay ipinanganak sa Italya. Ang ulat ng MIUR.
Sa school year 2015-2016, tinatayang aabot sa 815,000 ang mga mag-aaral sa Italya na mayroong foreign citizenship, mula sa Nursery hanggang Senior High School: 60% nito ay ipinanganak sa Italya: 85.2% ay nasa Nursery school. Ito ang nilalaman ng yearly report ng Ministry of Education ukol sa presensya ng mga non-Italian students sa mga paaralan sa Italya.
Ang mga mag-aaral na mayroong foreign citizenship ay kumakatawan sa 9.2% ng kabuuang bilang ng mga mag-aaral sa buong bansa. Ito samakatwid ay nangangahulugan na mayroong 14 na mag-aaral sa bawat paaralan.
Samantala, mayroong 34,048 namang mag-aaral na mayroong foreign citizenship na pumasok sa unang pagkakataon sa paaralan sa bansa: mga mag-aaral na bukod sa nahihirapang makapasok sa social at scholastic integration ay humaharap din sa matinding language barrier. Ang ganitong sitwasyon ay higit na matatagpuan sa Senior High School, sanhi ng family reunification program at ang mga unaccompanied minors na tumawid sa karagatan.
Ang 9.2% na presensya ng mga dayuhang mag-aaral sa mga paaralan ay maituturing na stable ayon sa Ministry of Education, University and Research o MIUR.
Halos ¼ ng kabuuang bilang ng mga dayuhang mag-aaral ay nasa Lombardy region, 203,979.
Ikalima ang mga mamamayang Pilipino kung laki ng populasyon o dami ng mga mag-aaral ang pag-uusapan. Nangunguna ang Romania (157.806), Albania (111,029), Morocco (102,179), at patuloy na pagtaas ang Cina (45,336) at ang Pilipinas (26,533).
Sa kabuuan mayroong 200 nationalities ang mga dayuhang mag-aaral at halos 70% ng mga ito ang nabibilang sa 10 bansa lamang.
Maituturing na nagmula sa buong mundo ang mga mag-aaral kabilang ang 2,471 mula sa USA, 537 mula sa Democratic Republic of Congo, 116 mula Finland, 385 mula Japan, 49 mula Haiti at dalawang mula naman sa Brunei.
“Ang 60% ng mga kabataang mag-aaral ay ipinanganak sa ating bansa. Sila ang tinatawag na second generation, kahit na mas gusto nilang tawagin silang “New Italian generation”. At sa katunayan, sila mismo ang mga ito: ang mga kabataang babae at lalaki na pumapasok sa ating mga paaralan, nag-aaral at nagsasalita ng ating wika, kadalasan pati ang dialect. Sila rin ay mga avid fans ng calcio at ang natatanging pagkakaiba lamang ay anak sila ng mga imigrante at refugees sa ating bansa na napilitang tumakas sa kahirapan o digmaan sa kanilang mga bansa. Sila ay mga Italians na naghihintay sa formal citizenship na igagawad ng bansa – at sa Senado sa kasalukuyan ay naghihintay na aprubahan sa lalong madaling panahon ang magtatalaga ng panuntunan sa pagkakaroon ng citizenship at kikilala sa kanilang pagsilang sa ating bansa sa kasong isa sa mga magulang ay mayroong permanent permit to stay (ang tinatawag na ius soli temperato) o sa kanilang pagtatapos ng isang scholastic cycle sa bansa (ang tinatawag na ius culturae)”, ayon kay Minister of Education Valeria Fedeli.