Kaya sana po patuloy kayong mag- iingat at sumunod sa mga ipinag-uutos ng gobyerno. At sana po isama ninyo kami sa inyong mga dasal.Yung mga dinanas at mga napag-daanan namin, gusto ko pong ipabasa para magbigay na din ng inspiration sa lahat”
Pito (7) sa labinglimang (15) health workers ang positibo sa covid19 sa isang Private Clinic sa Roma. Narito ang salaysay ni Sarah (hindi tunay na panaglan).
“Kami po ay nagta-trabaho bilang OSS (Operatore Socio Sanitario)”. Aniya 2 sa kanila ay nasa ospital na, ang 4 ay nasa isang struttura at ang 1 ay ililipat pa lamang. At ang natitirang 5 na Pinoy ay negatibo naman at patuloy pa rin po ang trabaho nila.
“Nag-aalala kami na baka mahawa din sila dahil wala silang proteksyon”, pag-aalala ni Sarah sa kanyang mga kababayan.
“Yung mga dinanas at mga napag-daanan namin, gusto ko pong ipabasa para magbigay na din ng inspiration sa lahat”, dagdag ni Sarah.
Ayon sa kanyang salaysay, sila ay sumailalim sa tampone dahil 2 pilipina na kanilang kasamahan sa trabaho na naka sickleave na ng 10 days ay dinala na sa ospital dahil nahirapang huminga at nag positibo sa coronavirus.
“Sunday po kami na tampone. Monday nalaman namin na positive kami. Kaya huminto na kami sa pagtatrabaho at ayaw na din namin makapanghawa pa. Tuesday lang po kami nailipat”.
“Nasa trabaho pa ako nung tawagan ako ng dotoressa ng Asl at sabihin na ang resulta ng tampone ko ay positibo. Lahat ng pag-iingat ginawa ko na pero di ko pa din naiwasan ang virus na ito na sa tingin ko sa trabaho ko din nakuha. Halos apat na araw ng di ako nakauwi sa bahay dahil hindi na kami pinalabas sa trabaho. Kaming mga pilipinong natira ang patuloy na nagtatrabaho. Di din namin maatim na iwanan ang mga matatandang nangangailangan ng aming kalinga. Siguro sadyang ganun tayong mga pilipino. Pero sa pagkakataong ito kailangan ko ng huminto para di na makapanghawa at isipin naman ang sarili ko. Wala naman akong naramdaman na sintomas bukod sa pananakit ng mga muscles at pangangati ng lalamunan. Ang mga natirang negatibo ay tuloy pa din sa trabaho punong -puno ng takot pero patuloy pa din. Para lang silang nasa giyera na lumalaban kahit kulang ang armas”.
“Kinaumagahan ay nilipat na kami ng lugar para ma isolate. Sakay ng ambulansiyang balot ng plastic. Wala kaming sintomas na nararamdaman gaya ng hirap sa paghinga kaya hindi kami sa ospital dinala. Mag-isa lang ako sa kwarto, mahina ang internet pero may TV naman. Ganoon pala ang pakiramdam ng nilalayuan ka at parang diring diri sila saiyo. Yun ay bilang pag- iingat na din nila na di sila mahawaan. Pag nagbigay sila ng pagkain kakatok lang at iiwan sa pinto. Awang-awa ako sa sarili ko pero kailangan kong lumaban para sa pamilya ko. Para makabalik na ako sa kanila sa lalong madaling panahon. Kaya sana po patuloy kayong mag- iingat at sumunod sa mga ipinag-uutos ng gobyerno. At sana po isama ninyo kami sa inyong mga dasal”.
“Kami po dito ok naman. Kaya lang kulang din po sa pagkain kasi kung kailan lang bigyan ng pagkain breakfast lunch dinner dun lang po kami makakakain. Wala naman po makapagdala ng pagkain sa amin dahil naka quarantine din mga pamilya namin sa bahay”, pagtatapos ni Sarah. (PGA)