Ang mabilis na pagkalat ng Omicron variant ay sanhi ng patuloy na pagdami ng mga infected ng Covid19 sa bansa. Dahilan nang patuloy na paglipat sa zona gialla o yellow zone mula sa zona bianca o white zone ng mga Rehiyon. Sa kasalukuyan ay 13 Rehiyon at 2 Autonomous Regions ang nasa zona gialla o moderate risk zone.
Pagkatapos ng mga Rehiyon ng Lombardia, Veneto, Piemonte, Liguria, Friuli Venezia Giulia, Marche, Lazio, Calabria at Sicilia at mga Autonomous Provinces ng Bolzano at Trento, ay nadagdag ang ilan pang mga rehiyon ng bansa sa yellow zone o moderate risk zone,simula January 10, 2022. Ito ay ang mga rehiyon ng Toscana, Emilia Romagna, Abruzzo at Valle d’Aosta.
Samakatwid, nananatili sa zona bianca o low risk zone ang mga Rehiyon ng Molise, Puglia, Sardegna, Basilicata, Umbria at Campania.
Sa kasalukuyan ay walang anumang rehiyon sa zona arancione at zona rossa.
Ipinapaalala na walang anumang pagbabago sa restriksyon ang zona bianca at zona gialla kundi tanging ang pamantayang bilang lamang ng mga kaso ng Covid19. Dahil ang pagsusuot ng mask sa outdoor ay mandatory na din kahit sa zona bianca.
Mula zona bianca sa zona gialla
Ang pangunahing dahilan sa paglipat ng isang rehiyon mula sa zona bianca sa zona gialla ay ang dami ng bilang ng kaso ng Covid19: kung ang bilang ng mga infected ay mas mataas sa 50 cases bawat 100,000 residente. At kung ang bed occupancy sa ICU ay mas mataas sa10% at sa medical area ay mas mataas sa 15%.
Mula zona gialla sa zona arancione
Kung ang bilang ng mga infected ay mula 100 cases bawat 100,000 residente. At kung ang bed occupancy sa ICU ay mas mataas sa 20% at sa medical area ay mas mataas sa 30%.
Mula zona arancione sa zona rossa
Kung ang bilang ng mga infected ay mula 150 cases bawat 100,000 residente. At ang bed occupancy sa ICU ay mas mataas sa 30% at mas mataas ng 40% sa medical area. (PGA)