Makalipas ang Septembre 30, 2022, ang obligasyong magsuot ng mask ay tatanggalin na sa ilang lugar sa Italya kung saan ito naiwang mandatory. Ito ay magmamarka ng simula ng pagtatapos ng restriksyon kontra Covid sa bansa.
Sa mga nagdaang araw, pinag-uusapan ng mga virologists at eksperto kung aalisin na ba o hindi pa ang protective mask sa mga lugar na ito. Ngunit saan mananatiling mandatory ang pagsusuot ng mask?
Pagsusuot ng mask sa mga pampublikong sasakyan, ang regulasyon
Matatandaang ang huling araw na may bisa ang anti-Covid order ng Ministry of Health kung saan nasasaad ang pagsusuot mandatory ng mask sa mga pampublikong sasakyan ay bukas, Friday, September 30, 2022. Ang FFP2 ay mandatory sa mga pampublikong sasakyan tulad ng autobus, treno, tram, metro ngunit hindi sa airplane, hanggang sa petsang nabanggit.
Gayunpaman, ang outgoing government na pinamumunuan ni Mario Draghi ay hindi na pinirmahan ang pagpapalawig ng paggamit ng protective mask sa mga pampublikong sasakyan. Posibleng ito ay gawin na lamang isang rekomendasyon sa kaso ng ‘assembramento’ o pagkakaroon ng maraming tao.
Pagsusuot ng mask, nananatiling mandatory sa mga ospital
Kung sa mga pampublikong sasakyan ay inaasahang tatanggalin na ang pagsusuot ng mask makalipas ang September 30, 2022, sa mga ospital at mga health facilities, ay inaasahang ito ay palalawigin ng isa pang buwan. Samakatwid, simula October 1, ay kakailanganin pa rin ang pagsusuot ng mask at sapat na surgical mask. Samantala, hanggang December 31, 2022 ay nananatiling mandatory ang anti-Covid vaccination at Green pass para sa mga health workers, maliban na lamang ang pagkakaroon ng anumang pagbabago mula sa bagong gobyerno.
Pagsusuot ng mask sa work place, depende sa anti-Covid security protocol
Makalipas ang September 30, 2022, walang pagbabago sa regulasyon ng pagsusuot ng mask sa mga workplace.
Ang pagsusuot ng mask sa kasalukuyan ay depende sa employer, batay sa napagkasunduang anti-Covid security protocol at ito ay balido hanggang October 31, 2022.
Ang FFP2 ay isang rekomendasyon sa pagkakaroon ng ‘assembramento’ at kapag hindi masusunod ang physical distancing. At sa rekomendasyon ng mga duktor, ay maaaring i-obliga ang paggamit ng mask sa ilang partikular na grupo ng mga workers. Ang desisyon ay ginawa sa simula ng summer season ng grupo ng mga technical people at muli ay magpupulong bago ang October 31, 2022 para sa kaukulang update. (PGA)