Milano – Ayon sa mga report, dalawang magkapatid na Pilipino ang parehong armadong natagpuang nag-aaway bandang alas siyete ng gabi noong nakaraang Linggo. Ang panganay, 39 anyos, ay may dalang kutislyo samantalang ang nakababatang kapatid naman nito ay isang katana ang dala, isang uri ng espadang mahaba na syang nakasakit sa panganay. Isinugod sa ospital ng Niguarda ang nakatatandang kapatid at nasa malubhang kalagayan.
Ang nakababatang kapatid, 34 anyos ay inaresto ng mga pulis ng Via Veglia, matatagpuan sa bandang Hilaga ng Milan. Ito ay inakusahan ng pagiging sanhi ng pinsala (lesioni aggravate) at illegal possession of weapon (detenzione abusive di arma)
—————————————-
Samantala sa Roma naman noong Lunes bandang tanghali nang nakatanggap ng tawag ang mga pulis mula 113 at ni-report ang isang away sa pagitan ng mga dayuhan sa Piazza Mancini.
Tatlong dayuhan ang natagpuang nagkakagulo ng dumating ang mga tauhan ng Commissariato Villa Glori at delle Volanti sa Piazza Mancini. Isa sa tatalo ang nakatakas. Samatala, ang dalawang Pinoy na magkapatid , isang 32 anyos at isang 20 anyos, ay inaresto. Parehong nahuling lasing at sugatan at may hawak na sinturon bilang armas sa pakikipag-away. Ayon sa mga report ay nilabanan din diumano ng mag-kapatid ang pulis na humuli dito na naging sanhi din ng pagkaka-damage sa sasakyan ng pulisya.
Ang dalawa ay dinala sa Commissariato at haharapin ang kaso ng pakikipag-away, pagpinsala at paglaban sa mga pulis.