New normal sa mga paaralan sa nalalapit na Back to School ng humigit kumulang 8,5 milyong mga mag-aaral sa Italya. Tulad ng unang inanunsyo ni Education minister Lucia Azzolina, scuole in presenza at hindi na online classes sa pagbubukas ng School Year 2020-2021 sa nalalapit na September 14, habang nagsimula naman ang mga corsi di recupero o catch-up classes sa pagbubukas ng buwan.
Kaugnay nito, 4 ang mga rehiyon na ipinagpaliban sa Sept 24 ang simula ng klase – Friuli Venezia Giulia, Abruzzo, Calabria, Puglia at marahil ay pati ang Campania at Basilicata – upang mapaghandaan umano ang pagbubukas at matapos muna ang nakatakdang Regional election at Referendum sa Sept 20-21.
Sa pagbubukas ng school year ay naglabas ang CTS o Comitato Tecnico Scientifico ng mga pangunahing gabay/regulasyon na dapat sundin:
- No mask habang nasa classroom, kung may 1 metrong distansya ang bawat mag-aaral. Samantala, naka mask naman ang mga mag-aaral sa pagpasok at paglabas ng paaralan/classroom, pati na rin sa oras ng recess o ricreazione. Ito ay para sa elementarya at first degree high school;
- Ang mga guro ay maaaring magtanggal ng mask sa loob ng klase sa kundisyong may 2 metrong distansya sa mga mag-aaral;
- Para naman sa scuola d’infanzia o nursery, ay ang pagkakaroon ng maliliit na grupo ng mga bata at mga educators;
- Magkakaiba o may agwat na oras ng pagpasok sa mga classroom;
- Magkakaiba rin ang oras ng recess o ricreazione;
- Ang pagkakaroon ng turno sa mensa scolastica o dining hall para sa tanghalian ng mga mag-aaral. Paggamit ng mga disposable accessories at ang paghahanda ng mga lunch boxes sa kasong sa loob ng classroom kakain ang mga mag-aaral.
Binigyang-diin ng CTS na ang paggamit ng mask at social distancing ay ilan lamang sa mga preventive measures na dapat sundin sa loob ng mga paarlan. Ang mga ito ay dapat na kasabay ng ibang tagubilin tulad ng regular na paglilinis at disinfection/sanitation at pagpapalit ng hangin.
Samantala, nabigyang-linaw na din ang usapin ukol sa public transportation sa pagbubukas ng mga paaralan. Magsasakay ang mga ito hanggang 80% ng maximum capacity at nananatiling obligado ang pagsusuot ng mask sa loob ng public transportation.
Gayunpaman, ayon pa rin sa CTS ay maaaring mabago ang mga regulasyon sakaling magkaroon ng mabilis na pagdami sa bilang ng mga positibo sa coronavirus at nananatili ang posibilidad ng online classes para sa ilang maselang sitwasyon. (PGA)
Basahin din:
- School Year 2020-2021 sa Italya, handa na ba?
- Online Class, ang bagong normal na par-aaral ng mga kabataan