Mula sa pensyon, reduction ng buwis hanggang sa mga benepisyo, ang mga pangakong laman ng programa ng PD.
Sa pangangampanya, isang bagay ang tiyak, lahat ng programa na makakatulong sa mga mamamayan at mga botante ay ipinapangako.
Mula sa pensyon, reduction ng buwis hanggang sa mga benepisyo, ay tila walang katapusan ang mga pangakong laman ng mga programa ng lahat ng partido para sa nalalapit na eleksyon.
Ngunit ang pinakahuling balita buhat sa dalawang huling Prime Ministers na sina Renzi at Gentiloni, ay tiyak na magiging maingay sa maraming imigrante, botante o hindi.
Si Renzi, ang pangako ng bagong bonus na nakalaan sa mga pamilya habang ang ikalawa, si Gentiloni ay itinuon naman ang pangako sa problema ng laki ng gastusin sa domestic job na nagpapabigat sa mga matatanda at mga pamilya.
Ang kasalukuyang sistema ay naglalaman na ng ilang bonus at insentibo para sa mga pamilya na mayroong bagong panganak na sanggol o ampon tulad ng bonus Bebè na nagkakahalaga mula € 80 hanggang € 160 kada buwan hanggang ikatlong taong edad ng bata (unang taon lamang sa mga ipinanganak ng 2018); bonus Mamma Domani, benepisyong nagkakahalaga ng € 800, anuman ang kabuuang sahod ng mga magulang, na maaaring matanggap mula ika-7 buwan ng pagbubuntis ng mga Ina; carta acquisti na nagkakahalaga ng mula € 40 kada buwan; at marami pang iba.
Hindi maglalaon, ayon sa deklarasyon ni Matteo Renzi kamakailan sa TV transmission na “Mezz’ora”, ang mga nabanggit ay papalitan ng PD ng iisang bonus na lamang.
Isang bonus na nagkakahalaga umano ng € 960 kada taon, o € 80 kada buwan na ibibigay sa lahat ng mga anak hanggang ika-18 anyos ng mga ito, na carried o ‘carico’ ng mga magulang. Ang budget ng bagong bonus ay manggagaling umano mula sa ibang tatanggaling bonus.
Samantala, matatandaang naging maingay ang domestic job sa kasalukuyan. Ang mga karapatan ng mga colf batay sa bagong CCNL na na-renew noong 2017 at sa pagbibigay ng update ukol sa minimum wage 2018 noong nakaraang buwan. Bukod dito, ang paglulunsad rin ng Inps ng bagong ‘cassetto fiscale’ na nakalaan sa mga pamilya upang masubaybayan ang kanilang pagbabayad ng kontribusyon at buwis.
Ngunit nananatiling mataas ang halaga ng domestic job para sa mga employers at pamilya nito dahil na rin sa ipinapataw ng CCNL sa mga employers na obligasyong gawing regular ang mga colf tulad ng nasasaad sa batas.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Gentiloni kamakailan sa ‘Domenica Live’ ang programa ng PD bilang kapani-paniwala at hindi pangako lamang tulad umano ng ibang partido. Para sa mga pamilya, hangarin ni Gentiloni ang mabawasan ang buwis at malabanan ang mataas na halaga sa domestic job sa sinumang mage-empleyo ng regular sa mga caregivers. Isang solusyon umano para sa maraming pamilya na hindi kayang mag-regular sa mga caregivers at colf at napipilitan sa ‘lavoro nero’ na isang malaking panganib naman bukod pa sa malaking multa.
“Para sa mga pensioners, iba’t ibang uri ng tulong ang aming nais, mula sa pagbabawas o pagtatanggal ng buwis para sa mga colf o caregivers hanggang sa financial assistance para sa mga nangangailangan ng hospitalization”.