Kamakailan ay nadiskubre ang bagong variant ng coronavirus sa UK at South Africa. Pagkatapos, ay inanunsyo ng mga eksperto ang pagkakaroon din ng bagong variant sa Italya.
Ayon pa sa mga eksperto, marahil ay nasa sirkulasyon na ang italian variant simula noong nakaraang Agosto pa. Ito ay nadiskubre sa Brescia at sinasabing halos katulad ng bagong variant sa UK.
“Ang ‘italian variant’ ay maaaring nauna sa variant na nadiskubre lamang noong katapusan ng Setyembre sa UK at pagkatapos ay kumalat sa Europa, pati rin sa Italya“. Ito ay ayon kay Arnaldo Caruso, ang presidente ng Società Italiana di Virologia (Siv-Isv).
Ayon pa sa virologist, ang bagong variant ay may ikalawang mutation na syang bahagyang pagkakaiba nito sa virus na kilala nating lahat.
Paano nadiskubre ang bagong variant sa Italya?
“Nagkataon na inoobserbahan namin ang anomalya ng virus sa isang pasyente na nag-positibo sa Covid19 noong Abril. At matapos gumaling ang pasyente, ang mga sumunod na swab test simula Agosto ay nag-positibo pa rin sa virus at may mataas na viral level” kwento ni Caruso.
Ito ang naging dahilan na nagdesisyon ang mga eksperto noong Nobyembre na i-sequence ang virus. At pagkatapos ay nadiskubre nila ang bagong variant na katulad noong nasa UK na natagpuan na din sa Italya.
Gayunpaman, patuloy ang ginagawang pagsusuri at mga pag-aaral upang higit na makilala ang bagong variant.