Hindi pa man nagsisimula ang lockdown sa Italya ay lalong nadagdagan ang pangamba dahil sa bagong variant ng coronavirus. Ito ay ang nag-mutate na coronavirus sa UK, dahilan ng pagsasailalim sa bansang nabanggit ng hard lockdown.
Ang bagong variant ng coronavirus ay sinasabing higit na nakakahawa kaysa sa normal at mas mabilis ang pagkalat hanggang 70%. Ang nag-mutate na Sars-Cov2, sa katunayan, ay inaasahang hindi naman mas agresibo kaysa sa normal. Ngunit posibleng magpalobo pa ito ng mataas ng bilang ng mga kasalukuyang infected ng covid19.
Ang World Health Organization ay patuloy ang pakikipag-ugnayan sa UK upang bantayan ang mga bagong kaganapan nito.
Flights mula at papuntang UK, kanselado
Samantala, nagdesisyon ang gobyerno na ikansela ang mga flights mula at papuntang UK simula ngayong araw hanggang January 6. Ito ay sa pamamagitan ng isang ordinansa na pinirmahan ni Health Minister Roberto Speranza.
“Ito ay isang preventive measure upang maunawaan ang lala ng problema. Nakakapag-alala ang bagong uri ng coronavirus at pinipili natin ang higit na pag-iingat”, ayon kay Health Minister.
Bukod sa Italya, ang mga bansang Netherlands, Germany, Belgium at France (marahil pati ang Spain) ay nagkansela pansamantala ng mga flights mula at papuntang UK.
Samantala, ayon sa mga pinakahuling balita, ang bagong variant ng coronavirus ay natagpuan din diumano sa ibang bansa. Ito ay ang Netherlands, Denmark, Australia at marahil pati South Africa.
Unang Italyano mula UK, positibo sa bagong uri ng Coronavirus
Samantala, isang Italyano, kasama ang kanyang live-in partner na kararating lamang mula UK ang nag-positibo sa nag-mutate na virus. Kasama ang ilang miyembro ng pamilya ay sumasailalim sa isolation tulad ng nasasaad sa protocol ng Ministry of Health. (PGA)