in

Bakuna kontra Covid19 sa mga bata edad 5-11, sisimulan sa December 16 sa Italya

Sa December 16 ay sisimulan ang pagbabakuna sa mga bata edad 5-11. Ito ay matapos magbigay ng awtorisasyon ang Agenzia Italiana del Farmaco (AIFA). 

Kaugnay nito, inanunsyo ni Emergency Commissioner Francesco Figliuolo na aabot sa 1.5 milyong pediatric vaccine na gawa ng Pfizer ang idi-distribute sa bansa. Ito umano ay unang bahagi lamang na darating sa December 15, upang masimulan na ang pagbabakuna sa December 16, 2021. 

Paano magaganap ang pagbabakuna

Ang pagbabakuna sa mga bata sa Italya ay magsisimula sa December 16, maliban sa Lazio na magsisimula sa December 13. Hindi mandatory ang pagpapabakuna ang mga bata. Walang Green pass ang mga bata. Ang aprubadong dosis ng Technical Scientific Commission ng AIFA ng Comirnaty vaccine sa mga edad 5-11 taon ay 1/3 ng awtorisadong dosis para sa mga adults. Magkakaroon din ng dalawang dosis ang pagbabakuna at may tatlong linggong pagitan. Ang mga bata ay dapat kasama ang isa sa mga magulang sa oras ng pagbabakuna. 

Saan maaaring magpabakuna ang mga bata

Maaaring magpabakuna sa mga pediatric clinics at pharmacies (bagaman hindi lahat). Magbabakuna din sa mga existing vaccination centers kung saan ang mga bata ay magkakaroon ng sariling lugar. Dito ay magkakaroon ng mga pediatrician, doktor at mga nurses. Sa ilang centers ay magkakaroon din na clown na lilibang sa mga bata. 

Paano mag-book

Ang booking ay dapat gawin sa pamamagitan ng official website ng mga Rehiyon. Maaari din sa pamamagitan ng mga nakalaang telephone numbers ng mga Rehiyon. 

Ang mga batang nagkaroon ng Covid19 ay maaari din bang magpabakuna?

Oo, ang mga batang nagkaroon ng Covid19 ay maaaring magpabakuna. Gayunpaman, ang panahon o distansya mula sa pagkakasakit at kung isa o dalawang dosis ang bakuna ay hindi pa natutukoy. 

Lahat ba ng mga bata ay dapat bakunahan? 

Mayroong mga bata na hindi inirerekomenda ang bakuna. Partikular ang mga may matinding hika at allergy. Ang mga umiinom ng gamot na immunomodulatory o biological ay kailangang sumailalim sa mga partikular na klinikal na pagsusuri.

Side-effects pagkatapos ng bakuna 

Matapos mabakunahan ang mga bata ay maaaring magkaramdam ng side effects tulad ng mga adults. Kabilang dito ang pananakit ng braso kung saan tinurukan, masamang pakiramdam, pagkakaroon ng sinat. Kung kinakailangan ay maaaring uminom ng tachipirina batay sa indikasyon ng pediatrician. (PGA)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Italy at Spain, tanging bansa sa Europa na may yellow zone

Super Green Pass, ipatutupad simula ngayong araw, Dec. 6