Gagamitin na ulit ang bakunang AstraZeneca sa Italya. Ito ay matapos magpasya ang European Medicines Agency o EMA na ito maaari ng gamitin ulit sa Europa.
“Ito ay ligtas, mabisa at higit ang mga benepisyong hatid kaysa sa posibleng peligro”, ayon sa director ng EMA Emer Cooke. Aniya ang bakuna ay hindi maiuugnay sa pagdami ng mga kaso ng thrombosis.
25 ang mga kasong naiulat ng thrombosis (7 sa Germany, 3 sa Italya, 2 sa Norway, 1 sa Spain, higit sa 3 sa UK at 2 sa India), sa loob ng 20 milyong nabakunahan ng AstraZeneca. Ang security commission ng EMA ay walang nakitang katibayan ng problema sa kalidad ng bakuna. Gayunpaman, “kami ay magpapatuloy sa mas malalim pang pagsusuri”, ayon sa EMA.
“Malugod na tinanggap ng gobyerno ng Italya ang naging desisyon ng EMA. Ang priyoridad ng gobyerno ay nananatiling mabakunahan ang mas maraming tao sa lalong madaling panahon”, ayon sa Punong Ministro na si Mario Draghi. Sa katunayan, naka-iskedyul na para bukas (Biyernes) mula 3 pm ang muling pagbabakuna ng AstraZeneca, ayon sa Ministry of Health.
Matapos ang conference ay nagsimula na ulit ang France sa paggamit ng bakunang AstraZeneca. Ang Germany ay maaaring magsimula na rin bukas. Samantalang ang Norway at Sweden ay ipinagpaliban pa ng isang linggo ang muling paggamit nito. (PGA)