Pinag-aaralan at inaasahang ilalabas sa lalong madaling panahon ang bagong regulasyon sa Covid. Ayon sa ulat ng La Stampa, handa na umano si Minister of Health Roberto Speranza upang ilathala ang isang bagong Circular kung saan nasasaad na opisyal na babawasan ang panahon ng isolation ng positibo sa Covid19. Bukod dito, ang mga Rehiyon ay nagsusumikap upang ang mga positibo sa Covid na asymptomatic mula sa Autumn ay maaari nang makalabas ng bahay sa kundisyong suot ang protective mask FFP2.
Isolation mula 21 sa 15 araw – Nasasaad sa ulat ang ideya ng ‘light‘ isolation. Ang maximum na 21 araw na quarantine (at maaari nang makalabas ng bahay makalipas ang isang linggo sa kawalan ng mga sintomas) ay mababawasan at magiging 15 araw. Gayunpaman, pinipilit ng mga Rehiyon ang karagdagang pagbabawas ng hanggang 10 araw.
Swab makalipas ang 48 oras – Sa kasalukuyang regulasyon, sa kasong positibo ay kailangang maghintay ng 7 araw bago muling magpa-tampone. Kung negatibo ay maaari nang lumabas ng bahay. Ayon umano sa bagong Circular, ang mga wala na ang sintomas sa loob ng 48 oras at negatibo sa test ay maaari nang makalabas kaagad at hindi na kailangang maghintay pa ng 7 araw bago magpa-tampone.
Sa Autumn, ayon pa sa ulat ng nabanggit na pahayagan, ang quarantine ay posibleng tanggalin na sa mga asymptomatics at dapat na lamang na magsuot ng Ffp2 mask sa paglabas ng bahay.
Parusa sa mga lalabag – Ang mga positibong asymptomatic na mahuhuli sa publiko na walang suot na mask, ayon pa sa ulat, ay sasampahan ng kaso bukod pa sa parusa ng multa sa mga lumalabag sa home isolation tulad sa kasalukuyan. Ang kasalukuyang mga parusa ay ang pagkakakulong mula 3 hanggang 18 buwan at multa mula € 500 hanggang €5000.