Pansamantalang suspendido ang mga biyahe mula Bangladesh matapos itong ipagutos ni Italian Minister of Health Roberto Speranza.
Ang suspensyon ng isang linggo ay sinang-ayunan ni Minister of Foreign Affaris Luigi Di Maio, matapos mabilis na magtala ng pagtaas sa bilang ng mga positibo sa Covid19 ang mga Bangladeshis na bumalik sa Italya. Ang panahong nabanggit ay kinakailangan umano upang gawin ang mga kinakailangang hakbang para sa mga biyahe na magmumula sa mga non-European countries.
Sa katunayan, sa 225 katao na bumalik ng Roma mula Dacca, 21 ang nag-positibo sa test kahapon, July 6. Matatandaang 39 katao na ang naitalang positibo sa loob lamang ng ilang araw at sa kasalukuyan ay may kabuuang bilang na 60 ang mga infected na Bangladeshis sa kapital.
Kaugnay nito, isang incontro o meeting ang ginawa kaninang umaga sa Roma, partikular sa Asl Roma 2, kasama ang mga kinatawan ng komunidad na nangako naman ng kolaborasyon upang mapigilan ang higit na pagkalat ng virus. Lahat ng Bangladeshis na dumating sa bansa mula June 1, 2020 ay inaanyayahang sumailalim sa test upang masiguradong mapigilan ang higit na pagkalat ng virus.
Bukod dito, ayon pa sa Asl Roma 2, makakabuting isuspendi rin umano ang mga religious activities ng komunidad upang maiwasan ang pagkakaroon ng bagong cluster. (PGA)