Ang Schengen Information System o SIS ay isang sistema ng Schengen countries na naglalayong magbahagi ng mga datos at impormasyon sa mga Member States upang matiyak ang mataas na antas ng seguridad nito. Ito ay isang database na nagtataglay ng mga pangalan o bagay na naka-report dito, na magpapahintulot sa awtoridad ng bawat bansa na magkapagsagawa ng mga pagsusuri.
Pinahihintulutan ng SIS ang mga Member States na magkaroon ng impormasyon na maaaring maging kapaki-pakinabang sa kaso ng pagkawala o pagka-aresto ng isang tao, pagkakaroon ng anumang krimen, kabilang ang mga dayuhan. Para naman sa mga non-EU nationals, ito ay maaaring magbigay dahilan sa pagbabawal o pagtanggi sa pagpasok o ang pananatili sa Schengen area.
Samakatwid, sa SIS ay maaaring i-report ang mga mamamayang dayuhan upang hindi papasukin sa EU area, na maaaring maging banta sa seguridad at public order. Kabilang ang sentensya ng kahit isang taong pagkakabilanggo, paglabag sa batas ng pagpasok o pananatili sa mga kasaping bansa o anumang dahilan upang ang dayuhan ay patawan ng mabigat na krimen.
Partikular, ang isang bansa ay maaaring magreport sa sariling Sistema ng Impormasyon ng non-EU national kapag ang permit to stay ay tinanggihan o pinawalang-bisa (binawi) at isyuhan ng expulsion na may pagbabawal sa pagbalik sa EU country sa loob ng itinakdang panahon.
Sa ganitong kaso, ang impormasyon ay makikita at magagamit din ng ibang Member States para hindi mabigyan ng mga visa (denied visa) o hindi maisyuhan ng anumang dokumento sa paninirahan.
Paano malalaman kung blacklisted sa Schengen?
Sa kasong may pag-aalinlangan sa sariling sitwasyon ukol sa anumang report, ang bawat mamamayan ay may karapatan sa
- Access sa sariling impormasyon;
- Karapatang itama kung may pagkakamali sa naka-record na datos;
- Karapatang ipabura ang bad record.
Sa Italya, ang Dipartimento N-SIS ng Ministry of Interior, ang ahensya na dapat lapitan sa address na:
Ministero Interno
Dipartimento di Pubblica Sicurezza
Ufficio di coordinamento e pianificazione delle Forze di Polizia
Divisione N-SIS
Via Torre di Mezzavia n. 9, 00173 RM
O sa pamamagitan ng pec sa: dipps.558sis.access@pecps.interno.it
Paano gagawin ang kanselasyon ng bad record o ang pagtatama ng mga maling datos?
Sakaling madiskubre na mayroong bad record, kahit gawa ng ibang Schengen State, ang kanselasyon o pagtatama ng anumang datos ay dapat hilingin sa pamamagitan ng Consulate ng naturang bansa sa Italya.
Ang awtoridad na gumawa ng report noon ay maaaring tanggapin o hindi ang request, halimbawa, wala nang mga kondisyon para panatilihin ito.
Ang cancellation o correction request ay dapat gawin sa Italian, French, English o German language, lakip ang kopya ng balidong pasaporte ng dayuhan.
Gayunpaman, ang paglalakip ng sapat na dahilan tulad ng pananatili ng pamilya sa Italya o ang pagkakaroon ng kamag-anak sa Italya ay posibleng makatulong upang mapabilis ang kanselasyon ng pagiging blacklisted.