Ang Bonus Bebè 2014 ay tumutukoy sa isang magaang na pagpapa-utang at hindi na isang tulong pinansyal buhat sa nakaraan.
Ang pagsilang ng isang sanggol ay isa sa pinakamasayang araw sa buhay ng mga magulang. Ito ay pinaghahandaan ng bawat magulang ng buong pananabik. Kaugnay nito, ang bagong role ay puno rin ng mga responsabilidad tulad ng tamang pagpapalaki ng anak. Hindi maiiwasan, sa paglaki ng pamilya, ang paglaki ng gastusin at samakatwid ang tema ng pananalapi.
Dahil dito ay nagbabalik muli ang Bonus Bebè 2014. Ngunit ang pagbabalik na ito ay nagtataglay ng pangunahing pagbabago: ito sa kasalukyan ay tumutukoy sa isang magaang na pagpapa-utang at hindi na isang tulong pinansyal tulad sa nakaraan. Ito ay tinatawag ring Fondo per i nuovi nati, na nasasaad sa legge di stabilità (legge 27 dicembre 2013, n. 147- articolo 1 comma 20).
Narito ang mahahalagang impormasyon kung sino, paano at kailan maaaring mag-aplay nito.
Sino ang maaaring mag-aplay nito?
Lahat ng mga magulang na ang mga anak ay isinilang sa taong 2012, 2013, 2014. Walang minimum annual salary required. Maaaring makahiram ng pera hanggang 5,000 na maaaring ibalik sa loob ng limang taon at sa mababang interes.
Gayunpaman, kinakailangan ang pagkakaroon ng ISEE. Kung ang halaga ng ISEE ay mas mababa sa 15,000 yearly, ang garansiya ng estado ay tataas mula sa 50% hanggang 75%, at nagiging mas madali ang proseso nito.
Samantala, kung ang ISEE ay mas mataas sa 15,000 euros, ang garansiya ng estado, sa kawalan ng ibabayad ay hanggang 50% ng halagang inutang.
Sa kadahilanang ito, ang bangko ay nagbibigay ng mababang interes sa mga pamilyang mayroong ISEE na mas mababa sa 15,000 euros yearly. Gayunpaman, dapat tandaan na ang pagkakaroon ng guarantee ay hindi nagtatanggal ng obligasyong bayaran ang inutang.
Bawat sanggol na isinilang o inampon sa mga taong nabanggit ay may karapatan sa isang Bonus Bebè.
Paano at kailan?
Ang mga pamilya na nagnanais na makatanggap ng prestito agevolato nuovi nati, ay kailangang makipag-ugnayan sa mga bangkong kabilang sa inisyatiba. Ang listahan ng mga bangko at mga financing agency na kalahok ay matatagpuan sa website ng www.fondonuovinati.it at www.abi.it.
Ang aplikasyon ay maaaring isumite hanggang June 30 ng susunod na taon makalipas ang taon ng kapanganakan o ng pag-aampon sa pamamagitan ng pagpi-fill up ng isang form sa bangko mismo at sa pamamagitan ng self-certification ay idedeklara ang mga personal datas, fiscal code at ang pagiging magulang ng bata.
Maaari bang mag-aplay ang mga mamamayang dayuhan?
Lahat ay maaaring mag-aplay, Italyano man o hindi. Ang bangko o financing agency ang magde-desisyon sa pagbibigay ng pagkakataon sa utang. Gayunpaman, isinasaalang-alang sa pagsusuri ang validity ng permit to stay. (PG)