Sa pamamagitan ng inaprubahang susog na isinulong ng Fratelli d’Italia ay dumami ang mga makikinabang ng bonus benzina na nagkakahalaga hanggang € 200,00. Kahit ang mga employers ng private sector at hindi lamang ang mga private companies, ay maaari ding magbigay ng bonus sa kanilang mga dipendenti o empleyado, sa pamamagitan ng voucher.
Ang bonus benzina ay inaprubahan ng gobyerno sa pamamagitan ng Ukraine bis decree upang malampasan ang mga epekto ng krisis sa ekonomiya. Naglaan ng 9.9 milyong euros ang gobyerno, ngunit ang mga pribadong kumpanya lamang ang kasama sa kalkulasyon ng pondo. Sa pagpapalawig ng bonus kahit sa private sector, ay tataas ang bilang ng mga benepisyaryo, pati na rin ang mga halagang kinakailangan.
Paano matatanggap ang bonus benzina?
Upang matanggap ang bonus ay hindi kailangang magsumite ng anumang aplikasyon. Ang pagbibigay ng voucher sa worker ay boluntaryo. Samakatwid, employer mismo ang magde-desisyon kung ito ay ibibigay at kung ano ang halaga nito. Ang employer, gayunpaman, ay maaaring magbigay ng halagang mas mababa kaysa sa € 200,00.
Ang voucher ay dapat ibigay hanggang bago sumapit ang December 31, 2022. At ang konsumo naman, sa kabilang banda, ay kailangang gawin hanggang bago ang expiration date ng voucher.
Ang bonus benzina ay hindi maituturing na sahod o kita. (PGA)