Patuloy pa ring ipapatupad sa Italya, sa taong 2025 ang bonus sa mga bayarin sa utility, o ang tinatawag na bonus bollette. Ito ay isang tulong para sa mga pamilyang may mababang kita o may miyembrong may pisikal na kapansanan. Ang diskwento ay awtomatikong ibinabawas sa mga bayarin sa kuryente, gas, at tubig upang mabawasan ang gastusin sa mga pangunahing serbisyo.
Sino ang may karapatang makatanggap ng bonus bollette?
Ang bonus bollette o bonus sa utility ay awtomatikong ipinagkakaloob sa mga kwalipikadong pamilya nang walang kinakailangang aplikasyon, sapat na ang pagkakaroon ng updated na Dichiarazione Sostitutiva Unica (DSU) upang makakuha ng ISEE certificate.
Ang mga pamilya ay may karapatan sa bonus kung ang kanilang ISEE ay hindi lalampas sa:
- €9,530 para sa mga pamilyang may hanggang 3 anak
- €20,000 para sa mga pamilyang may 4 o higit pang anak
Paano matatanggap ang bonus bollette?
Bonus Luce
Ang bonus luce o bonus sa kuryente ay ibinibigay bilang bawas sa buwanang bayarin sa kuryente. Ang halaga ng diskwento ay nakadepende sa laki ng pamilya:
- 1 o 2 miyembro → €167.90 kada taon (€13.80 kada buwan)
- 3 o 4 miyembro → €219 kada taon (€18 kada buwan)
- Higit sa 4 na miyembro → €240.90 kada taon (€19.80 kada buwan)
Para sa mga pamilyang may ISEE sa pagitan ng €9,530 at €15,000 noong 2023, ang matatanggap nilang bonus sa 2025 ay 80% ng karaniwang halaga.
Bonus sa Gas
Ang halaga ng bonus sa gas ay nagbabago batay sa:
- Klima ng lugar ng paninirahan
- Bilang ng miyembro ng pamilya
- Gamit ng gas (pagluluto, pampainit ng tubig, pagpainit ng bahay, atbp.)
Para sa isang pamilya hanggang 4 na miyembro:
- €11.70 kada tatlong buwan para sa mga gumagamit lamang ng gas para sa pagluluto at pampainit ng tubig
- Hanggang €91.80 kada tatlong buwan para sa mga gumagamit din ng gas para sa pagpainit ng bahay
Para sa pamilyang may higit sa 4 miyembro, ang halaga ng bonus ay bahagyang mas mataas, na maaaring lumampas sa €93 kada tatlong buwan.
Para sa mga pamilyang may ISEE sa pagitan ng €9,530 at €15,000 noong 2023, ang matatanggap nilang bonus sa 2025 ay 80% ng karaniwang halaga.
Bonus Acqua
Ang bonus acqua o bonus sa tubig ay nagbibigay ng libreng 50 litro ng tubig bawat araw para sa bawat miyembro ng pamilya.
Halimbawa:
Para sa pamilyang may 4 miyembro, ang kabuuang benepisyo ay katumbas ng 200 litro ng libreng tubig bawat araw.
Ang eksaktong halaga ng diskwento ay depende sa lokal na taripa ng kumpanya ng tubig sa lugar ng tirahan.
Paano matatanggap ang mga bonus?
Ang bonus ay awtomatikong ibinabawas sa mga bayarin sa kuryente, gas, at tubig, kung ang kontrata ng serbisyo ay nakapangalan sa isa sa mga miyembro ng pamilya na kasama sa ISEE.
Para sa mga condominium na may central heating (gas), kailangang ipasa ang PDR code (Punto di Riconsegna) upang ma-verify at maaprubahan ang diskwento.
Gaano katagal bago makita ang discount sa bill?
- Kuryente at gas → 3-4 buwan mula sa pagkuha ng ISEE certificate
- Tubig → 6-7 buwan
- Gas sa central heating → Matatanggap lamang pagkatapos ng pagsusuri ng PDR code
Bonus para sa Pisikal na Kapansanan
Bukod sa mababang kita, may karagdagang tulong para sa mga pamilya na may miyembrong may malubhang sakit na nangangailangan ng life-supporting medical devices.
Para makatanggap ng bonus, kailangan lang mag-update ng DSU (Dichiarazione Sostitutiva Unica) upang magkaroon ng ISEE certificate. Kung pasok ang pamilya sa kinakailangang limitasyon, awtomatikong maia-apply ang diskwento sa bill nang walang kinakailangang karagdagang aplikasyon.
Saan maaaring isumite ang DSU para sa ISEE?
- Online – Sa opisyal na website ng INPS (www.inps.it), gamit ang SPID, CIE, o CNS
- CAF (Centro di Assistenza Fiscale)
- INPS – Sa pamamagitan ng appointment
Kapag nakuha na ang ISEE certificate, at kung kwalipikado ang pamilya, ang bonus ay awtomatikong maia-apply sa mga bayarin sa utility.