Ang Konseho ng mga Ministro ay nagtalaga ng isang bagong bonus spesa hanggang € 500. Ito ay napapaloob sa Decreto Ristori-ter at nakatanggap ng 400M na pondo na layuning tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilya.
Matatandaang ang bonus spesa ay unang ibinigay noong kasagsagan ng lockdown ng mga Comune. Sa katunayan, ang mga Comune ang nagsulong nito sa gobyerno upang muling matanggap ng mga pamilya.
Limitasyon ng bagong bonus spesa
Gayunpaman, ang bagong bonus spesa ay may limitasyon.
- Ito ay maaaring magamit lamang sa pagbili ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan;
- Ito ay maaaring magamit lamang sa mga negosyo na napili ng Comune;
- Ang mga Comune ay maaaring magdesisyong hindi ipamigay ang bonus spesa bagkus ay pillin ang ‘spesa a domilicio’ o ang pagdedeliver direkta ng mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilya.
- Ang mga alkalde ng bawat Comune ay binigyan ng kalayaang magtalaga ng pamamaraan kung paano magsusumite ng aplikasyon at kung paano ipamamahagi ang benepisyo. Ang alkalde din ang magtatalaga ng mga requirements at mga priyoridad sa kung sino ang dapat makatanggap nito. Isa sa maaaring priyoridad ay ang mga pamilyang hindi tumatanggap ng Reddito di Cittadinanza.
Ang mga requirements:
Ang halaga ng bonus spesa ay mula € 300 hanggang € 500. Ito ay batay sa laki o dami ng miyembro ng isang pamilya. Tulad ng nabanngit, ang mga Comune ay maaaring magtalaga ng kanya-kanyang requirements, ngunit narito ang mga basic requirements:
- Residente ng Comune;
- Laki ng pamilya o nucleo familiare;
- ISEE;
- kung may trabaho o wala;
- kung may sariling bahay o nangungupahan;
- kung may pera o ipon sa banko;
- kung may tinatanggap na benepisyo mula sa gobyerno.