Sasailalim na sa lockdown ang buong Italya simula Martes, March 10. Ito ang pinakahuling hakbang ng gobyerno ng Italya upang labanan ang tuluyang pagkalat ng coronavirus.
Ito ay dahil sa patuloy at mabilis na pagtaas ng mga positibo sa covid-19.
Sa isang press conference ngayong hapon ay hiniling ni Italian Prime Minister Giuseppe Conte ang pakikiisa ng lahat. Aniya ito ay para sa kapakanan ng lahat at ng buong bansa.
Ang ipapatupad na decree, ‘Io resto a casa’ ay lalong magpapaigting sa mga pinaiiral ng paghihigpit na noong una ay sa North Italy lamang. Ito ay nakatakdang ipatupad din sa buong bansa.
Gayunpaman, paglilinaw mula sa Palazzo Chigi, bukod sa pagpunta sa trabaho at emergency purposes ay pinahihintulutan rin ang paglabas para mag-grocery. Patuloy din ang serbisyo ng mga public transportation upang matugunan naman ang transportasyon ng mga magta-trabaho.
Bukod dito, ay extended rin ang suspension ng mga klase. Sarado ang mga paaralan sa lahat ng antas hanggang April 3.