Matapos ang experimental period sa Italya, ang electronic identity card o CIE (Carta d’Identità Elettronica) ay simula ng inisyu sa ilang Comune sa Italya mula Hulyo 2016.
Roma – Hulyo 19, 2016 – Ayon sa Circular ng Ministry of Interior n. 1410/2016, simula noong July 4 -8, ang CIE ay inisyu sa 43 mga Comuni, kabilang ang Prato, Pisa, Foggia, Sassari, L’Aquila, Ancona, Pordenone at Perugia.
Simula July 11 ay inisyu na rin ito sa mga Comune sa Roma, Napoli at Varese.
At simula Sept 16, tulad ng mababasa sa Circular, ang CIE ay opisyal ng iisyu sa 200 Comuni.
Samantala, inaasahang hanggang 2018 pa bago tuluyan itong matatanggap sa buong bansa.
Ang bagong Carta di identità Elettronica o CIE ay isang smart card na nagtataglay rin ng finger print, bukod pa sa codice fiscale at datos ng kapanganakan ng nagmamay-ari nito. Naka-encode dito ang mga pangunahing datos ng mga mamamayan ayon sa pamantayang ng Europa, na ginagamit na sa e-passport at electronic permit to stay ng mga dayuhan sa bansa.
Ang bagong e-card ay nagtataglay ng higit na seguridad laban sa anumang palsipikasyon tulad ng holograms at iba pa.
Kinakailangan ang personal appearance sa pag-aaplay nito at sa araw ng aplikasyon ay ibibigay ang araw ng appointment para sa releasing naman ng dokumento.
Kailangan ring bayaran ang halaga ng € 22,00 para sa releasing ng dokumento bukod pa sa halagang € 5,42 bilang administrative fee sa Anagrafico batay sa Decreto Ministero Economia e Finanza 16/02/2007.
Ang mga mayroong papel na carta d’identità ay hindi obligadong palitan ang balido pang dokumento.
Gayunpaman, ang bagong identity card ay balido ng tatlong (3) taon para sa mga mas bata sa 3 taong gulang; limang (5) taon naman para sa mga may edad mula 3 – 18 anyos at balido naman ng sampung (10) taon sa mga 18 anyos pataas.