“Cittadinanza italiana per meriti speciali” para kay Ramy, ang mungkahi ni Vicepremier Luigi Di Maio sa social network.
Si Ramy, 13 anyos, ay isa sa 51 mag-aaral na sakay ng bus na hinostage kahapon sa Milan ng isang 47 anyos na Senegalese origin na driver.
Si Ramy ay nagpanggap na nagdadasal sa kanyang sariling wika, ngunit sa katunayan ay kausap ang ama at nagsumbong ukol sa pagbabago ng ruta ng bus.
Naitago ni Ramy ang paggamit ng telepono at nakatawag din sa 112 upang humingi ng tulong.
“Ginawa lamang ng aking anak ang kanyang obligasyon, mas makakabuti kung magkakaroon sya ng Italian citizenship”, ayon kay Khalid Shehata, ang ama ni Ramy, ang 13 anyos na kahapon ay naitago ang pagamit ng cellular phone at nakatawag ng tulong.
“Kami ay mga Egyptians, dumating kami sa Italya noong 2001. Ang aking anak ay ipinanganak noong 2005 ngunit kami ay naghihintay pa rin ng mga opisyal na dokumento. Nais namin ang manatili sa bansang ito”.
Kaugnay nito, ayon sa ulat ng Repubblica, “cittadinanza italiana per meriti speciali” ang mungkahi ni Vicepremier Luigi Di Maio sa social network. “Inilagay ni Ramy sa panganib ang kanyang buhay upang iligtas ang buhay ng kanyang mga kaklase”, aniya.
“Kailangan naming makita ang aplikasyon at ito ay aming susuriin”, ayon naman kay Interior Minister Matteo Salvini ukol sa aplikasyon ng citizenship ng ama ni Ramy.