Magalang na pananalita, pagsunod sa batas ng privacy, rispeto sa paraan ng edukasyong pinili ng pamilya at panuntunan sa bahay. Narito na ang Code of Ethics para sa domestic job – colf, caregivers at mga babysitters.
Ayon sa Assindatcolf, ito ay ang pinaka bagong balita sa sektor na nilalaman ng Norma Tecnica Uni 11766:2019 kung saan sa unang pagkakataon ay itinalaga ang mga requirements sa domestic job.
Ayon kay Alessandro Lupi, ang bise presidente ng Assindatcolf at ng Ebincolf, “sa bansa ay walang sistema na kumikilala at magpapatunay sa kakayahan at propesyunalidad ng mga colf, caregivers at babysitters”. Bukod dito, anila, “sa unang pagkakataon ay magkakaroon ng ‘black & white’ na regulasyon at tamang pag-uugali at gawi na dapat sundin sa loob ng bahay”.
Ang Code of Ethics ay binubuo ng 9 na artikoli na nagpapaliwanag ng mga prinsipyo at mga kasanayan, simula sa paraan ng pagpapakilala ng sarili: ang kasambahay ay kailangang gumamit ng magalang na pananalita, hindi nakakasakit, hindi agresibo o tila nag-mamataas.
Isa rin ay ang rispeto sa privacy: kahit ito ay pag-aalaga ng mga matatanda, bata o kahit simpleng trabahong bahay, ang kasambahay ay kailangang panatilihin ang pagiging kompidensiyal sa lahat ng mga sensitibong impormasyon na nasasaklaw ng kanyang gawain.
Wala ring anumang dahilan upang ang caregiver ay sakitan ng pisikal ang sinumang miyembro ng pamilya, maliban na lamang bilang self defense.
Sa kaso naman ng babysitter, ay kailangang sundin ang pamamaraan ng edukasyon na pinili at nais ng mga magulang.
“Ang colf – pagtatapos pa ni Lupi – bilang impormasyon sa mga pamilya, ay kailangang iwasan ang pagsunod sa utos, kahit mula sa employer mismo, kung hindi alam o hindi kayang sundin ito sa kakulangan o kawalan ng kakayahan at kasanayan. Kung hindi, ito ay isang paglabag sa batas“. (PGA)