Layunin ng Green Pass na hadlangan ang pagkalat ng Covid19 ngunit ito ay maaaring maging dahilan din ng pagtatanggal sa trabaho ng ilang manggagawa.
Ang iba’t ibang labor organizations ay nananawagan habang patuloy naman ang diskusyon kung gagawing mandatory o hindi ang bakuna kontra Covid19 sa mga teachers at mga employees ng Public Administration para sa nalalapit na pasukan. Kaugnay nito, kahit ang mga colf at caregivers, partikular ang mga pamilyang mayroong miyembro na physically fragile ay marahil maging obligado din sa pagkakaroon ng green pass.
Panukalang gawing mandatory ang Green Pass sa domestic job, isinulong ni Andrea Costa
Mandatory ang bakuna kontra Covid19 sa lahat ng mga health workers ngunit marahil, kahit sa mga colf at caregivers ay maging mandatory din ito upang maiwasang mahawa ng sakit ang mga itinuturing na physically fragile.
Sa Europa, tanging sa France pa lamang ginawang mandatory ang bakuna kontra Covid19 sa domestic job. Sa Italya, ito ay isang panukala pa lamang na isinulong ni Undersecretary Andrea Costa.
ASSINDATCOLF, inirerekumenda na ilagay bilang requirement ang bakuna sa mga bagong kontrata
Samantala, ayon kay Andrea Zini, ang presidente ng Assindatcolf, ang national association ng mga employers sa domestic job ay sang-ayon na gawing mandatory ang bakuna sa mga colf at caregivers.
Sa katunayan, inirerekumenda ng Assindatcolf na sa mga pamilya na nangangailangan ng tulong ng mga colf, baby sitters at care givers na ilagay bilang isang requirement sa mga bagong kontrata ang pagiging bakunado kontra Covid 19 at samakatwid ang pagkakaroon ng Green Pass. Ito umano ay dahil sa uri ng gawain at peligro na haharapin ng employer at ng kanyang pamilya, partikular sa pag-aalaga ng mga may kapansanan at karamdaman.
Gayunpaman, kahit walang angkop na batas ukol sa pagiging mandatory ng bakuna, ang mga domestic workers ay nanganganib din na mawalan ng trabaho sakaling hingin ito ng employer. Dahil
sa domestic job ay malayang tapusin ng employer ang ‘rapporto di lavoro’ o ang trabaho – anuman ang dahilan nito – sa kundisyong susundin ang pagbibigay ng araw ng abiso, pagbibigay ng TFR (Trattamento Fine Rapporto) o Separation pay, pagbabayad ng ferie (non godute) at ang ilang buwang tredicesima hanggang sa panahon ng pagtatanggal sa trabaho. (PGA)
Basahin din:
- Colf, tinanggal sa trabaho sa panahon ng pandemya. Naaayon ba sa batas?
- Matatanda, hiling na gawing mandatory ang bakuna kontra Covid19 sa mga colf at caregivers
- Green Pass, mandatory sa Italya simula sa August 6. Narito ang FAQs.
- Bakuna kontra Covid19 sa domestic job, inirerekumenda bilang requirement