Simula July 1, 2018 ay magkakaron ng bagong contact number ang Istituto Nazionale Assicurazione contro gli Infortuni sul Lavoro o INAIL.
Ito ay ihihiwalay na sa toll free number ng Inps. Narito ang mga bagong contact numbers upang matanggap ang mga impormasyon tungkol sa pagkakasakit at aksidente sa trabaho.
Simula July 1, ay hindi na tatawagan ang toll free number ng Inps para sa infortuni sul lavoro o malattia professionali. Samakatwid, mula sa petsang nabanggit, ang Inps at Inail ay magkakaroon na ng magkahiwalay na contact numbers.
Gayunpaman, ang bagong contact number ng Inail ay hindi isang toll free number, dahil ang tawag dito, mula sa landline o cellular phones ay mayroong bayad ayon sa halaga ng sariling operator.
Ang bagong contact number ng Inail ay: 06 6001
Ito ang bagong tatawagan, mula landline o cellular phone upang humingi ng impormasyon ukol sa normatiba, proseso at estado ng bawat dokumentasyon na sakop ng Inail.
Ang araw at oras na tatanggap ng tawag mula publiko ay mula Lunes hanggang Biyernes: mula 9:00 ng umaga hanggang alas 6:00 ng hapon.
Ipinapaalala na sa buong buwan ng Hunyo, ang Inail ay maaari pa ring tawagan sa toll free number ng Inps: 803 164 sa landline at 06 164164 – para sa mga cellular phones (may bayad).
Kailan tatawagan ang INAIL?
Ang Istituto Nazionale Assicurazione contro gli Infortuni sul Lavoro o INAIL ay ang kinatawang publiko (hindi pinansyal) na nangangasiwa ng obligatory insurance para sa aksidente at pagkakasakit sa trabaho.
Dahil dito, ay maaaring tawagan ang INAIL upang humingi ng impormasyon ukol sa mga batas sa pag-iwas sa aksidente at seguridad sa trabaho, pati na rin sa pagtanggap ng impormasyon tungkol sa premium ng insurance.
Mahalaga rin ang Inail contact center para sa mga nais na malampasan ang aksidente at nais ng mga impormasyon ukol sa rehabilitation at social and labor reintegration.
Ito rin ang numerong tatawagan para sa assicurazione casalinghe at para sa anumang pagbabago ng personal datas pati ng address.
Samantala, ang INPS naman ay nakalaan para sa mga impormasyon ukol sa welfare, pension, bonus, maternity social allowance at iba pang serbisyo na nasa pangangasiwa ng Inps.